TV

Tunay na Anna Karenina, malalaman na!


Sa pagpasok ng huling linggo ng primetime series na Anna KareNina ay malalaman na kung sino kina Anna, Karen at Nina ang totoong heredera ng mga Monteclaro. Matibay nga ba ang ebidensiyang hawak nina Anna at Karen para masabi nilang sila ang tunay na apo nina Xernan at Carmela? Matatanggap kaya ni Nina na posibleng hindi siya si Anna Karenina Monteclaro? Malalaman kaya ni Abel ang kasamaan ni Ruth, at ang mga ginawa nito para hindi mahanap ang anak ni Maggie?

Nasangkot sa isang aksidente si Anna habang dadating naman sa mansion si Karen dala ang proweba na siya talaga ang anak ni Maggie. Tatanggapin ni Carmela ang ebidensiyang pinakita ni Karen kaya muli na namang masisimula ang pagtuklas kung sino sa kanilang tatlo ang tunay na apo.Malalaman nina Abel na naospital si Anna dahil sa aksidente kaya pupuntahan nila ito. Dito din ipapakita ni Anna ang ebidensiyang hawak niya.

Samantala, unti-unti nang babalik ang mga alaala ni Maggie at tatanungin niya sina Danny at Zeny tungkol dito. Sasabihin nila kay Maggie na posibleng nasa Palawan ang nawawalang anak nito para mailayo siya sa mga taong naghahanap sa kanya.

Ipapaalam naman ni Carmela kay Abel ang sinabi ni Xernan sa kanya tungkol kay Ruth. Hindi makapaniwala si Abel na kayang gawin 'yun ng kanyang asawa kaya kukumprontahin niya ito. Natural na itinanggi ni Ruth ang mga paratang ni Xernan, pero nang malaman nito na bumubuti na ang kalagayan ng kanyang uncle ay sinabihan nito si Peter na patahimikin na ang matanda.

Muli namang nabuhay ang kompetisyon sa pagitan nina Anna, Karen at Nina ngayong pantay na naman ang posibilidad na sila ang tunay na tagapagmana. Inamin na rin ni Brix ang nararamdaman niya para kay Anna, habang hindi rin lubusang natuwa si Karen sakaling siya nga si Anna Karenina dahil magiging bawal na ang nararamdaman nila ni Aldrin para sa isa't isa.

Sa wakas ay mabubuko na ni Abel ang mga pinaggagawa ni Ruth sa mga Monteclaro dahil nahabol nito si Peter nang pagbantaan ang buhay ni Xernan. Sa pag-alis ni Ruth sa mansion ay isasama niya sina Aldrin at Carla. Kukunin niya ang mga cellphone nito para wala silang matawagan at hindi rin sila matawagan ni Abel.

Nakasalubong naman ni Xernan si Maggie sa ospital, at kahit hirap magsalita ay masasabi niya ang pangalan ng anak. Hindi man siya nakita nina Abel at Carmela ay makikita siya nina Anna, Karen at Nina sa labas ng ospital. Dito ipinaliwanag nila na siya ang nawawalang anak nina Xernan at Carmela ngunit bago pa humaba ang kanilang usapan ay hahatakin na si Maggie nina Danny at Zeny.

Nalaman din ni Ruth mula kay Peter na buhay si Maggie, kaya makakaisip na naman ito ng plano para mapaikot sa kanyang mga daliri sina Xernan at Carmela. Kailangang mapasakanya si Maggie.

Magtagumpay kaya si Ruth sa kanyang mga bagong binabalak? Manumbalik na kaya ang lahat ng alaala ni Maggie? At sino kina Anna, Karen at Nina ang tunay na Anna Karenina Monteclaro? Handa ka na bang matuklasan ang katotohanan?

Sabay-sabay nating kilalanin kung sino ang totoong Anna Karenina Monteclaro sa huling linggo ng Anna KareNina, pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com