TV

Isay, ikakasal na? Kanino?


Halos apat na buwan ding ginampanan ni Andrea Torres ang role niya as Isay sa romantic comedy series na With A Smile, kaya hindi niya maiwasang ma-senti sa nalalapit nitong pagtatapos. Ang tanong, ikakasal na nga ba si Isay? Sino ang para sa kanya, si Aston o si Dean?

Dinalaw namin sa set ng kanilang last taping day si Andrea. Ayon sa kanya, talagang napangiti siya ng With A Smile kaya talagang mamimiss niya ang cast, director at buong staff ng show.

“Nakakalungkot, pero at the same time, nakakatuwa rin kasi umabot ng isang season ‘yung show at nakita naman namin na maganda ‘yung pagtanggap ng mga tao. Everytime nagtu-tweet sila ng reaction nila, nakakatanggal ng pagod kasi naaappreciate nila ‘yung ginagawa namin,” aniya.

Totoo ba ang mga bali-balitang ikakasal si Isay ? At kung oo, sino ang tunay na Mr. Right niya?

Naging mailap si Andrea sa pagsagot. Mukhang hindi pa daw handang magpakasal ang tatlong main characters ng series.

Ani Andrea, “Ang dami nilang pinagdadaanan sa buhay. Si Aston meron nung kay Maricar na issue. Si Dean, ‘yung issue niya sa parents niya, tapos si Isay may issue din sa pagkakaroon ng sarili niyang negosyo, so tignan na lang natin.”

Sa totoong buhay naman kaya, nakikita na ba ni Andrea ang kanyang sarili na ikakasal soon?

“Hindi pa. Matagal pa, kasi marami pa akong gustong i-achieve sa sarili ko,” sagot niya.

Dagdag niya, “Sana magka-award ako. Siyempre, gusto kong makapagtayo ako ng sarili kong house, magkaroon ako ng sarili kong kotse at saka mga investments. ‘Yung malagay lang sa tama kung ano man ‘yung kikitain ko.”

Kung dumating na ang araw ng kanyang pagpapakasal, anong klaseng wedding gown kaya ang gusto niyang suotin?

“Gusto ko ‘yung parang sweet-sweetan lang, ‘yung parang hindi ka kinakain ng gown. Feeling ko ‘pag masyadong maraming nagaganap sa gown, parang hindi na napapansin ‘yung bride,” natatawang paglalahad niya.

May specific theme at color motif na ba siya in mind?

“Wala naman, basta gusto ko all white, tapos puro red roses lang,” ayon kay Andrea.

Abangan kung sino ang makakatuluyan ni Isay. Tumutok lang sa With A Smile, 10:15 ng umaga sa GMA. --Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com