
Idinaan sa isang Instagram post ng Eat Bulaga host at batikang komedyante na si Joey de Leon ang kanyang pagbati para kay President Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. na nanumpa na ngayong araw, June 30, bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas.
Sa nasabing post, ibinahagi ni Joey ang larawan nila ng kanyang mga kaibigan at kapwa original hosts ng Eat Bulaga na sina Tito Sotto at Vic Sotto upang ibahagi na si President Marcos Jr. na ang ikawalong pangulo na naabutan ng nasabing longest-running noontime show sa bansa.
Aniya, "Simula sa araw na ito, opisyal nang sumasahimpapawid ang Eat Bulaga sa ikawalong pangulo ng Pilipinas!."
Dito ay nagbigay na rin ng pagbati ang tinaguriang henyo master, "Congratulations President Ferdinand Marcos, Jr.!"
Nagbiro din si Joey tungkol sa naging panunumpa ni PBBM, dahil natapat ang live coverage nito sa timeslot ng nasabing noontime show.
"At bilang pagkilala, waring itinapat pa niya ang kanyang pagsumpa sa oras ng Eat Bulaga matapos kumpirmahin ang kanyang pagwawagi ng isa sa mga hosts ng show, 'yung nasa kaliwa ng larawan! Muli ang aming pagbati!," saad ni Joey sa kanyang post.
Taong 1979 nang magsimulang umere ang Eat Bulaga sa telebisyon, at umikot na rin ito sa iba't ibang istasyon hanggang sa ito ay manatili na sa GMA Network sa loob ng halos tatlong dekada.
Samantala, silipin ang mga naging kasuotan ng mga naging bisita sa inagurasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gallery na ito: