
Nakahanap ng bagong kaibigan ang Kapuso comedienne-actress na si Herlene Budol o Sexy Hipon sa katauhan ni Anna Valencia na kapwa niya kandidata sa Binibining Pilipinas 2022.
Sa isang panayam ng media kay Herlene, inamin niya na mas close siya sa pambato ng Bataan na si Anna dahil mas nagkakaintindihan sila nito kahit pa mas komportable ito na makipag-usap sa Ingles.
Aniya, "Si Anna Valencia kasi hindi man kami nagkakaintindihang dalawa dahil alam naman nating lahat na Englishera siya pero para sa akin through heart para kaming magkapatid na isang senyasan lang gets na namin ang isa't isa."
Kuwento pa ni Herlene, "[Minsan] ayoko na rin siya kausap e, mata-mata na lang ganun medyo may pagka-komedyante rin [kasi] 'to si Anna e.
"'Hey girl,' sasabihin niya sa akin tapos sasabihin ko lang, 'Hey.'"
"Automatic 'yun, whole day magkatabi kami pero hindi kami nag-uusap, ganun kaming dalawa, 'Hey girl' lang ang pinaka-umpisa tapos 'Bye!' na 'yung huli," kwelang kuwento ni Herlene.
Dagdag pa niya, "'Di ba sabi communication 'yung best bonding? Sa amin kahit walang communication, the best ang bonding namin kaya shoutout sa'yo Anna."
Huling napanood si Herlene sa GMA Primetime series na False Positive. Ngayon ay naghahanda na ang Kapuso comedienne-actress sa gaganaping Binibining Pilipinas 2022 coronation night sa July 31.
Samantala, silipin ang journey ni Herlene sa nasabing beauty pageant sa gallery na ito: