
Hindi lubos matanggap ni Mike Tan ang pagkamatay ng direktor na si Phillip Lazaro, na tumayong mentor at kaibigan ng aktor.
Naging madamdamin ang pagdadalamhati ng Artikulo 247 actor, na sa Instagram na lamang inilabas ang mensahe sana sa yumaong direktor na nakatrabaho niya sa Nagbabagang Luha noong 2021.
"Di ko alam kung saan sisimulan..." saad ni Mike.
"Nalulungkot ako dahil umasa akong makakatrabaho kita ulit ngayong darating na Agosto. Pero masaya din ako dahil naging kaibigan kita kahit sa maikling panahon.
"Naalala ko noong lock-in taping, pinlano niyo ni Rayver na i-kiss niya ko sa isang madramang eksena. Dami mong kalokohan, direk! Pero naaalala ko rin na nung minsang kumakain tayo, napasabi ka ng "Nakakawala ka ng crush, Mike Tan, kadiri ka!" dahil napa-[utot] ako. Grabe ang tawa ko na nabiktima kita."
Dagdag ni Mike, "Pero ang bait mo sa akin, Direk Phil. Kaibigan talaga ang trato mo sa akin. Kahit sa Family Feud gusto mo pa kong isama sa team mo. Natuwa nga ako kahit pakiramdam ko hindi naman ako qualified na makasama sa inyo nina Direk Gina pero sabi mo dapat kasali ako. Mami-miss ko rin ang mga random text exchanges natin para pag-usapan ang buhay, trabaho at kung anu-ano pa."
Ayon kay Mike, nagbilin pa si Direk Phillip sa kanya para sa nalalapit na taping ni Mike ngayong Agosto para sa isang bagong proyekto.
"Weeks ago lang, nagbibilin ka pa sa kin ng mga ine-expect mo sa character ko pagdating ng August taping. Iyon na pala ang huli nating pag-uusap.
"Mahal kita, Direk Phil. Mami-miss kita bilang kaibigan at direktor ko...
"You'll never be forgotten. Rest in peace."
Ang pamangkin ni Direk Phillip na si Chico Lazaro Alinell ang nagkumpirma ng pagpanaw ng kaniyang tiyuhin.
Ayon kay Chico, multiple organ failure ang sanhi ng pagkamatay ni Phillip, dakong 8:30 a.m. noong Lunes, July 11.
Naging isang stand-up comedian sa The Library comedy bar si Direk Phillip bago sumabak sa showbiz. Kinalaunan ay naging isang aktor at direktor ito, at naging parte ng mga Kapuso shows tulad ng Villa Quintana, Anna KareNina, Full House Tonight, Widow's Web, Prima Donnas, Nagbabagang Luha, at iba pa.
BALIKAN ANG MAKULAY NA BUHAY NI DIREK PHILLIP LAZARO: