Showbiz News

Keempee de Leon, excited sa remake ng Villa Quintana


Matinee idol of the ‘90s ang Kapuso actor na si Keempee de Leon. Kinakiligan ang love team nila noon ni Donna Cruz, at napakaraming sumubaybay sa kanilang pagtatambal sa Villa Quintana.

Sa remake ng Villa Quintana, gagampanan nina Elmo Magalona at Janine Gutierrez ang dating papel nina Keempee at Donna bilang Isagani at Lynette. Ano kaya ang tingin ni Keempee rito?

Naabutan namin si Keempee backstage bago magsimula ang One More Try: My Husband’s Lover The Concert. Naikuwento sa amin ni Keempee na mixed emotions ang kaniyang nararamdaman dahil sa pagtatapos ng My Husband’s Lover, kung saan gumanap siya bilang si Zandro a.k.a. Zsa Zsa.

Ibang Keempee ang nasaksihan ng mga manonood dahil bagama’t nakapagbigay buhay na siya sa mga gay characters noon, kakaiba ang atake kay Zandro dahil dramatic ang papel. Kinailangan daw niyang mag-method acting kahit naka break sila sa taping upang mas magampanan nang maayos ang karakter.

Mayroon na bang susunod na proyektong nakahanda para kay Keempee?

Sagot niya, “Hintay-hintay lang with what’s next. Ako naman, diyan lang ako, naka-stand by lang. Sana another good show with good characters.”

Speaking of a good show with good characters, ano ang reaksyon ni Keempee sa remake ng teleseryeng pinagbidahan niya noong mid-‘90s na Villa Quintana?

“Alam mo, nakakatuwa kasi Villa Quintana is one of the longest soap operas. Tumagal siya nang three years. I’m so proud that I’ve played the part of Isagani, and si Donna Cruz naman si Lynette. Ngayong nalaman ko na ire-remake nga at sina Elmo ang gaganap, good luck,” wika niya.

Nagbalik-tanaw si Keempee sa Villa Quintana. Ano kaya ang mga dahilan kung bakit talagang tinangkilik ito ng mga tao noon?

Ayon sa kanya, “Maganda ‘yong story, talagang inalagaan namin before. Maganda ‘yung mga characters. Maganda ‘yung mga twist. Maraming mangyayari at ito naman ay young at heart. Ang maidudulot nito ay ibang love.”

Naniniwala siyang magiging kasingganda ang gagawin ng GMA sa pagbabalik ng Villa Quintana. Masayang-masaya rin si Keempee para kina Elmo at Janine. Pinayuhan  niya ang mga ito na pagbutihin ang trabaho at mag-enjoy.

Ani Keempee, “I’m really excited for them and good luck!”

Kasalukuyang napapanood si Keempee de Leon sa Eat Bulaga. Para sa karagdagang updates tungkol kay Keempee at sa inyong mga paboritong Kapuso stars and shows, mag log-on lamang sa www.gmanetwork.com. – Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com