
Taong 2004 itinanghal si Mark Herras bilang kauna-unahang StarStruck Ultimate Male Survivor. Ibig sabihin lang nito ay 18 years nang artista ang aktor.
Iba't ibang role na rin ang nagampanan ni Mark. Ilang beses na siyang nagbida sa teleserye at nasubukan na ring maging kontrabida. Bukod sa drama, nakagawa na rin ng action, fantasy, at comedy si Mark.
Sa huling TV project niya, lumabas si Mark na isang ideal son sa katatapos lang na 2022 GMA legal drama series na Artikulo 247.
Marahil lahat na ng genre sa telebisyon ay nagawa na ni Mark pero, aniya, may role pa siyang gustong gawin at, thankfully, nasungkit ito ni Mark.
Mapapanood siya sa upcoming GMA afternoon drama na Unica Hija, isang drama-sci-fi series.
Pahiwatig ni Mark, may pagka-complex ang kanyang character sa Unica Hija, na may kinalaman sa crucial turning point sa character ng bida ng serye na si Kate Valdez.
"Sobrang ibang iba naman 'yung role na talagang gusto kong gawin. I think it's about time kasi hindi na tayo bumabata.
"Isa po 'yan sa mga pangarap ko na role. Pero this time, ito 'yung napunta sa 'kin. It's a good thing for me para iba naman," bahagi ni Mark sa panayam ni GMA News entertainment correspondent Lhar Santiago.
Excited din si Mark sa Unica Hija dahil reunion project nila ito ni Katrina Halili na batchmate niya sa StarStruck Season 1.
Unang nagkasama ang dalawa sa 2004-2005 drama series na Joyride kung saan nakasama rin nila ang co-graduates nila sa talent search na sina Jennylyn Mercado, Yasmien Kurdi, Sheena Halili, Dion Ignacio, at Rainier Castillo.
Muling nagkasama sina Mark at Katrina sa 2010 GMA series na Langit Sa Piling Mo kung saan nakatambal ni Mark si Heart Evangelista.
Ilan pa sa mga pinagsamahang serye nina Mark at Katrina Halili ang Sa Piling Ni Nanay (2016) kung saan nakasama nila muli si Yasmien, at D' Originals (2017).
Lumabas naman sina Mark at Katrina bilang mga superhero sa pelikulang Super Noypi noong 2007.
"It was a very long time since no'ng last na nagkatrabaho kami at, siyempre, excited din akong makasama ang iba pang cast ng Unica Hija," ika ni Mark.
Mapapanood din sa Unica Hija sina Kelvin Miranda, Faith Da Silva, Athena Madrid, Boboy Garovillo, Maricar De Mesa, Bernard Palanca, Biboy Ramirez, Maybelyn Dela Cruz, Jennie Gabriel, at Jemwell Ventenilla.
Mapapanood din dito ang aktor at Quezon City councilor na si Alfred Vargas sa isang espesyal na pagganap.
Mapapanood ang Unica Hija soon sa GMA Afternoon Prime.