Showbiz News

Social media superstar Zeinab Harake, di pa buo ang loob para pasukin ang showbiz

By Nherz Almo

Isa sa mga maituturing na local social media superstar ngayon ang 23-year-old na si Zeinab Harake. Kaya hindi nakapagtataka kung nakatatanggap na rin siya ng offers mula sa iba't ibang TV networks.

Pero hindi tulad ng ibang kapwa niya sikat na content creators, may pag-aalinlangan pa rin ang vlogger na si Zeinab na mag-crossover sa showbiz.

“Natatakot lang po talaga akong pasukin 'yung mundo ng showbiz,” pahayag niya sa media conference na inihanda para sa kaniya ng iniendorso niyang Beautederm kahapon, September 9.

Ayon kay Zeinab, minsan na niyang sinubukang pumasok sa showbiz noong kabataan niya. At base sa karanasan niya, tila hindi niya masabi na kaya niya ang buhay-artista.

Kuwento niya, “Ako po talaga, gusto ng parents ko na mag-artista ako, lalo na 'yung mama ko. Sa totoo lang po, nag-o-audition po ako sa GMA, sa ABS, sa kahit saan. Naranasan ko pang maging ekstra sa mga TVC noong bata po ako.

“Talagang nakita ko kung gaano kahirap at kagaling 'yung mga artista. Hindi ko masabi na kaya kong gawin 'yung kaya nilang gawin, e. Magiging totoo lang po talaga ako palagi sa kung hanggang saan ang kaya ko.”

Sa ngayon, okay na raw siya sa mga guest appearances kapag naiimbitahan ng ilang programa sa telebisyon.

Ani Zeinab, “For now, kung ano po 'yung nao-offer sa akin, lumalabas po ako sa TV, nagkakataon po na kapag guesting naman kasi is being you lang din naman 'yun. So, para lang din akong nagba-vlog, ganun.

“Pero pagdating po sa serye at sa movies, malalaman pa po natin 'yan. Sa mga sayaw-sayaw, guesting-guesting, pumapalag naman po ako diyan. Kahit talk show-talk show, kasi sayang naman 'yung konting talakan ng isip ko pagdating sa mga standards ng mga mamamayan.

“Sa kanila kasi ako lumaki, e. 'Yung bunganga ko, pang-kanila talaga 'yun. 'Yung mindset ng streets, iba po talaga 'yon, e. The way, na nagsasalita ako sa mga video ko, nagugustuhan nila and nakaka-relate sila.”

Kaugnay nito, nagbigay ng pasasalamat si Zeinab sa kaniyang mga tagahanga at mga masugid na tagasubaybay ng kaniyang vlog.

Pahayag niya, “Lahat po ng ginagawa ko, natural lang. Hindi po ako nagpapaka-plastic, hindi ko po kailangang ipilit ang sarili ko, and okay na po ako na ganito.

“Kung sino po ang tumatanggap, marami pong salamat, mamahalin ko kayo ng lubos, hindi ko hahayaang masira ang tingin ninyo sa akin.”

NO TO SEXY PROJECTS

Bagamat kinikilala bilang isa sa sexy online content creators si Zeinab Harake, hindi raw niya kakayanin ang magpa-sexy sa isang pelikula kung sakaling pasukin na niya ang showbiz.

“Parang di ko naman keri na sexy agad. Kasi 'yung mga sexy themes ko, e, ang mga nakakakita lang din po ay ang team ko. Hindi ko keri na maghubad nang maraming tao.”

Nabanggit ni Zeinab na minsan na siyang nakatanggap ng offer para sa isang sexy movie. Pero hindi raw niya talaga kakayanin ang ganitong klase ng proyekto kaya tinanggihan niya ito.

“Kasi po may mga nagging offer sa akin, hindi ko na lang po babanggitin kung anong movie 'yon, isa 'yun sa mga parang medyo bastos na movie na nailabas. Noong nabasa ko po 'yung linya… Ako po 'yung kalog talaga at walang preno ang bunganga, pero 'yung mga ganung salita, hindi ko po kayang bitawan,” pag-alala niya sa natanggap na offer.

Para kay Zeinab, bukod sa babae siya, gusto niya rin pangalagaan ang kaniyang imahe dahil babae rin ang kanyang anak.

“Hindi ko po gagawin 'yung mga bagay na hindi ko po keri talaga lalung-lalo na sa mga bagay pagdating sa pagkababae kasi po babae ang anak ko, 'tapos babae po ako, at medyo maselan nga po akong napalaki. Kaya po hangga't maaari hindi ako nag-aano sa mga [nag-o-offer].

“Malalaman natin pero hindi pa ako sure. Siguro mga 80 percent hindi ko pa kaya magpa-sexy, yung 20 percent papasok tayo sa istorya and kung gaano kalala ang dapat gawin.”

Kung siya ang papipiliin, mas gusto raw ni Zeinab ang thriller projects o 'yung magmumukha siyang palaban.

“Yung mga ganyan ang bagay sa akin. Basta 'yung ginampanan ko siya, hindi iisipin ng viewers na pinilit. Ayaw ko rin naman pong mag-aksya ng effort ng ibang tao to trust me 'tapos hindi ko naman din kayang gampanan yung dapat kong gawin.

“Kung ano lang po yung kaya ko, lahat po ng keri kong gawin, let's go. Pero 'yung mga bagay na hindi pa… siguro po maaaral natin in the future. Gaya po ng sabi ko, bata pa naman ako,” pagtatapos ni Zeinab.

SAMANTALA, TINGNAN KUNG PAANO NAPANATILI NI ZEINAB ANG KANYANG SEXY FIGURE MATAPOS IPANGANAK SI BABY ZEBBIANA: