Showbiz News

Manny Pacquiao to kababayans: 'Kailangan ko ang dasal at suporta ninyo'

 

Kaninang umaga lang nag-weigh in sina Pambansang Kamao Manny Pacquiao at ng kaniyang makakalaban na si Brandon Rios para sa WBO International Welterweight title fight bukas sa Macau.
 
Tumimbang si Pacquiao ng 145 pounds (65.77 kilograms) samantalang mas mabigat naman sa kaniya si Rios na umabot sa 146.5 pounds (66.45 kilograms).
 
Nagpa-interview kaninang hapon sa Startalk si Manny at ang asawang si Sarangani Vice Governor Jinkee Pacquiao live from Macau.
 
Dahil ilang oras pa lamang mula nang maganap ang weigh-in, tinanong agad siya ng Startalk hosts na sina Ricky Lo at Heart Evangelista kung pabor ba sa kaniya ang resultang ito.
 
Sagot ni Pacquiao, maganda naman daw ang kinalabasan ng kaniyang timbang dahil ang ine-expect niya raw talaga ay 145.5 lbs. At dahil daw mas magaan siya nang kaunti kay Rios, mas magiging mabilis ang kaniyang pagkilos sa laban nila.
 
“Physically, mentally, and spiritually ay handa po ako,” pahayag ni Pacquiao.
 
Pero kahit daw handing-handa na siya sa laban, mayroon pa rin daw siyang kaunting hiling sa kaniyang mga kababayan para lalo pang lumaki ang chance niyang magtagumpay. “Kailangan ko ang dasal at suporta ninyo,” pakiusap niya.
 
Meanwhile, kinumusta ng Startalk hosts ang kalagayan ni Jinkee na ngayo’y tatlong buwan nang buntis.
 
Pahayag ni Jinkee, bukod sa pinagdarasal niya ang tagumpay ng asawa bukas, pinapanalangin niya rin daw na sana ay lalaki ang magiging anak nila. Pero ayon sa Vice Governor ng Sarangani, wala pa raw siyang naiisip na ipapangalan sa kaniyang baby boy kung siya ay pagpapalain.
 
Sinundan naman agad ng tanong si Pacquiao tungkol sa kaniyang ina na si Mommy Dionisia. First time kasi nitong harapang manonood ng kaniyang laban sa Macau. 
 
“Gusto niyang bumawi. Alam mo naman ‘yong mama ko, ayaw magpatalo niyan,” saad niya.
 
Abangan kung makukuha ni Manny Pacquiao ang WBO International Welterweight title. Mapapanood ang laban ngayong Linggo, 11 a.m., pagkatapos ng Pacquiao-Rios primer sa GMA. - Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com