Showbiz News

Yasmien Kurdi at Mommy Miriam, pinagbati ng apo


Isang linggo pa lang ang nakalipas mula nang mag-celebrate ng first birthday si Ayesha Zara, ang unang anak ni Kapuso actress Yasmien Kurdi at ng kaniyang asawang si Rey Soldevilla.

Matagal na panahon din ang alitan ng mag-inang Yasmien at Miriam Kurdi mula nang magpakasal ang StarStruck Season 1 alumna kay Rey. Hindi raw kasi tanggap ni Mommy Miriam noon ang relasyon nila.

Pero nang dumating ang first birthday ng panganay ni Yasmien, hindi nawala sa big event si Mommy Miriam. Hindi raw nito natiis na hindi masaksihan ang isa sa pinakaimportanteng event sa buhay ng apo.

Ayon kay Mommy Miriam, si Baby Ayesha raw ang naging dahilan ng pagkakaayos nila ng anak. “Oo kasi kapag nariyan na pala ‘yung baby at naka-smile sa 'yo, mawawala lahat ‘yung problema mo at mapa-patch up lahat. Ganoon ‘yung nangyari sa 'min,” kuwento niya.

Bukod pa rito, na-realize rin ni Mommy Miriam ang kaniyang pagkakamali. “Ang nangyari kasi, nauna ‘yung galit sa 'kin. Hindi pala dapat ganoon. Noong nakilala ko siya mabait naman, akala ko mawawalan ako ng anak, hindi pala. Nagkaroon pa 'ko ng anak na lalaki, si Rey,” paliwanag niya.

Dagdag pa ni Mommy Miriam, lalo raw silang nagkasundo ni Rey dahil mababait din daw ang mga magulang nito.

Laking pasasalamat naman ni Rey na nagkaayos-ayos na ang kanilang pamilya. “Maraming-maraming salamat po sa mama ni Yasmien sa pagtanggap sa 'kin. Hindi kasi kami nagkaroon ng chance ni Mama na magkausap dati. So ngayon, finally noong lumabas na si Ayesha ay natanggap niya na rin kami eventually,” aniya.

“Si Ayesha po ‘yung naging tulay para magkasundo-sundo kami ng mama ni Yasmien. Finally, I'm happy,” dagdag pa ni Rey.

Bukod sa pagpapasalamat ni Yasmien na nagkaayos na sila ng ina, nagpapasalamat din daw siya sa mga dumalo sa birthday celebration ng kaniyang anak tulad nina Katrina Halili, Alvin Aragon, Diana Zubiri, Ana Roces at marami pang iba.

Ano ba ang birthday wish ni Yasmien para sa kaniyang anak?

“Siyempre happiness. Sana always happy siya tapos sana maging good girl siya. Sana maging matalino siya sa school. Tapos sana magpakabait siya,” sagot niya.

For updates on Yasmien Kurdi and your favorite Kapuso stars and shows, keep visiting www.gmanetwork.com. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com