Showbiz News

Herlene Budol, Filipino ang wikang gagamitin sa Miss Planet International

By Jansen Ramos

Naghahanda na si Herlene Budol para sa kanyang pagsabak sa Miss Planet International 2022 bilang kinatawan ng bansa matapos magwaging Bb. Pilipinas 2022 first runner-up.

Sa Nobyembre sa Uganda gaganapin ang coronation night ng ikalawang edisyon ng nasabing international pageant.

Ngayon pa lang, nagsagawa na ng isang send-off press conference para kay Herlene ang kanyang ineendorsong denim brand.

Ayon kay Herlene, layunin niyang magpalaganap ng kamalayan tungkol sa pangangalaga sa planeta.

"Alam naman natin lahat grabe na 'yung polusyon na nangyayari sa buong planeta,” bahagi ni Herlene.

"Para sa 'kin, bakit 'di natin subukang alagaan, i-save natin 'yung planeta so ako 'yung taong 'di conservative pero pilit matututong maging conservative. Sa 'kin, aaralin ko 'yung mga bagay na 'di ko pa nalalaman so ako ang magiging sugo ng Planet International para sabihin sa bawat Pilipino, sa buong mundo na alagaan natin ang mga meron tayo dito kasi hindi sa lahat ng bagay, magiging mabait sa atin ang planeta so alagaan natin, iligtas natin, at isave natin ang planeta," dagdag pa niya.

Nagpasalamat naman si Herlene sa Binibining Pilipinas Charities, Incorporated sa pagbibigay sa kanya ng oportunidad na makasali sa isang beauty pageant abroad kaya naman nangako siyang hindi niya ito sasayangin.

Aniya, "Nakaka-touch 'yung Binibining Pilipinas, naging stepping stone ko s'ya para maabot ko 'yung Miss Planet International kasi kung walang Binibining Pilipinas, 'di ko makikilala 'yung Miss Planet International, 'di ako makakapag ibang bansa so sobrang happy po ako.

"'Di po ako mangangako sa inyo ng masaya pero gagawin ko po 'yung best sa pinaka-best pa para 'di ko kayo ipahiya. Talagang gagawin ko 'yung mas kaya ko pa. Itotodo ko 'to at syempre iaangat natin ang Pilipinas, laban Pilipinas."

Proud ding ibinahagi ni Herlene na Filipino ang gagamitin niyang lenggwahe sa Q&A portion ng Miss Planet International 2022.

"Ipagsisigawan ko at hindi ko ikakahiya ang lenggwaheng meron tayo. Isisigaw ko, Tatagalugin ko para mas maintindihan nating lahat," aniya.

BALIKAN ANG BB. PILIPINAS JOURNEY NI HERLENE NICOLE BUDOL DITO: