
May munting paalala ngayon ang Kapuso host at trivia master na si Kuya Kim Atienza tungkol sa pagiging responsableng public figure.
Sa kanyang Facebook at Instagram posts nitong Lunes, October 24, makahulugan ang mga salitang isinulat ni Kuya Kim patungkol sa pagiging sikat at popular.
Aniya, "Fame is so fleeting, so temporary. Ingat sa sinasabi o pinopost pag sikat ka. Baka sa isang taon, 'di ka na sikat, you will be totally humbled."
Agad naman itong umani ng mga komento mula sa netizens at kapwa niya celebrities gaya nina Hayden Kho, Jason Abalos, at Yasmien Kurdi.
"Wisdom talk!" ani Hayden.
Habang nag-iwan naman ng "agree" emojis sina Jason at Yasmien.
Bagamat ibinahagi ito ni Kuya Kim kasabay ng maugong na isyu ng ilang social media influencers gaya nina Zeinab Harake at talent manager na si Wilbert Tolentino, nilinaw ni Kuya Kim na wala siyang partikular na taong pinapatamaan bagkus ay para ito sa kanyang sarili at sa lahat ng kanyang mga kaibigan sa entertainment industry.
"This post is for me, my co workers on tv, vloggers or anyone under the spotlight. Wala akong personal na pinatatamaan. Back to you guys," saad ni Kim sa kanyang Facebook post.
Samantala, mapapanood naman si Kuya Kim sa maraming programa ng GMA gaya ng TiktoClock, 24 Oras, at Dapat Alam Mo! sa GTV.
ALAMIN ANG ILANG TRIVIA TUNGKOL KAY KUYA KIM SA GALLERY NA ITO: