
Masaya ang phenomenal Pinoy boy band na SB19 sa natanggap na sorpresa para sa kanilang ikaapat na anibersaryo.
Dahil abala sa kanilang world tour at walang sapat na panahon para maayos na makapag-celebrate ng kanilang anibersaryo, isang mini surprise ang inihanda ng kanilang team habang sila ay nasa Davao para sa kanilang WYAT Tour.
Patuloy naman ang pasasalamat ng SB19 sa kanilang staff habang tinitingnan ang dekorasyon sa kanilang kuwarto at ang inahandang cakes at snacks ng mga ito. Mayroon ding bouquet ng bulaklak at polaroid pictures ng grupo.
"Ako sobrang happy ako kasi syempre, parang hindi mo mamamalayan four years na pala kami. Parang hindi mo mamamalayan na ang dami na pala nating pinagdaanan. Nandito na kami ngayon, nagwo-world tour after four years. Sinong mag-aakala na darating tayo rito?" sabi ni Pablo.
Dagdag ni Josh, "Syempre hindi mangyayari 'yan kung hindi dahil sa ating mga minamahal na A'TIN."
Hiling naman ni Pablo para sa kanilang ikaapat na anibersayo na mas tumagal at tumibay pa ang samahan ng kanilang grupo. "At syempre 'yung goal natin 'di ba, hindi naman tayo titigil hangga't hindi nagagawa ang goal natin. Gusto nating makilala ang OPM, P-pop all over the world."
Kasalukuyang naghahanda ang SB19 para sa kanilang unang international tour na magaganap sa Dubai ngayong Sabado, October 29.
Samantala, ang pinakabago nilang single na "WYAT (Where You At)" na mayroon na ngayong mahigit 2.5 million views sa YouTube.
MAS KILALANIN ANG P-POP BOY GROUP SB19 DITO: