Showbiz News

My Husband’s Lover U.S. Concert Tour, a massive success


Ramdam na ramdam pa rin hanggang Amerika ang My Husband’s Lover fever dahil naging matagumpay ang My Husband’s Lover U.S. Concert Tour.

Halos isang buwan din ang inilagi ng ilang cast and crew ng nasabing concert sa Amerika na kinabibilangan nina Kuh Ledesma, Jonalyn Viray, Pancho Magno, Victor Basa at ng mga bida ng My Husband’s Lover na sina Dennis Trillo, Tom Rodriguez at Carla Abellana.

Kinuwento ni Carla sa Startalk TX ang kanyang karansan. Aniya, “Masaya. Maraming Pinoy talaga na nag-abang sa amin doon. Hindi lang Pinoy pero may mga foreigners din. May mga Americans din na nanonood ng My Husband’s Lover so nakakatuwa na kahit sila nanonood ng concert namin.”

Naging masaya rin ang experience ni Dennis Trillo. Ayon sa kanya, “Marami kaming naging kaibigan at mga tagahanga na kahit hindi taga doon sa lugar na pinagshowan namin, dumayo pa.”

Dagdag naman ng Pop Diva na si Kuh Ledesma, “Masarap kasama ‘yung mga taga MHL (My Husband’s Lover). Mababait ng mga artista sina Tom, Dennis, Carla, si Jonalyn, Victor and Pancho. Kahit ‘yung mga executives na kasama namin tumutulong din, so it was fun.”

Naging extra special para kay Tom Rodriguez and concert stop sa Lawndale, California dahil sinorpresa siya ng kanyang pamilya habang kumakanta siya onstage. Halos dalawang taon nang hindi nakakasama ni Tom ang kanyang mga magulang at kapatid kaya’t naging emosyonal ang aktor nang makita sila.

Ani Tom, “Hindi ko inexpect kasi ang tagal ko na silang hindi nakikita and first time nila akong mapanood na magperform. First time nila makita na kumakanta ako live sa maraming tao.”

Bahagi din ang My Husband’s Lover stars na sina Kuh Ledesma, Dennis Trillo, Tom Rodriguez at Roi Vinzon sa kantang “Bangon Kaibigan” na alay ng GMA stars sa mga survivors ng Typhoon Yolanda.

-Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com