
Sa ika-limang linggo ng The Wolf, titigil na sa pagkukunwari si Prinsipe Chu You Wen at ipapaalam kay Ma Zhai Xing ang katotohanan.
Isang 'di pagkakaintindihan ang namuo sa pagitan ng mga anak ng emperador. Dahil sa pagkamatay ng kanilang kapatid, hindi mapigilan nila Prinsipe Chu You Gui at Prinsipe Chu You Zhen na maglabas ng sama ng loob. Si Prinsipe Chu You Zhen ay nagawa pang isumbat sa emperador ang pagkiling nito kay Prinsipe Chu You Wen.
Dumagdag ito sa matagal nang hinanakit ni Prinsipe Chu You Zhen laban kay Prinsipe Chu You Wen. Dahil sa hindi maiwasang pagkakataon, namatay ang unang kapatid ni Prinsipe Chu You Zhen, at ayaw maniwala ni Prinsipe Chu You Zhen na walang kinalaman si Prinsipe Chu You Wen dito.
Sa kagustuhan na mabigyan ng gantimpala si Ma Zhai Xing ay nagtagisan ng talento sila Ji Chong at Prinsipe Chu You Wen. Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon, nagpaubaya na lamang si Prinsipe Chu You Wen.
Salamat sa atensyon ni Ma Zhai Xing sa mga detalye, natulungan niya si Prinsipe Chu You Wen na ayusin ang kanyang relasyon sa kanyang kapatid na si Prinsipe Chu You Zhen. Mas napabuti ang pagtingin ng emperador at Prinsipe Chu You Zhen kay Prinsipe Chu You Wen dahil dito.
Nais na mapatunayan ni Ma Zhai Xing na si Prinsipe Chu You Wen at ang kanyang kababatang si Lobo ay iisang tao lamang. Upang magawa ito, tumalon mula sa isang balon si Ma Zhai Xing. At tulad ng kanyang inaasahan, napatunayang niyang si Prinsipe Chu You Wen at Lobo ay isang tao lamang.
Dahil lumabas na ang katotohanan, ikinuwento na ni Prinsipe Chu You Wen kung bakit kinailangan niyang itago ang kanyang pagkatao mula kay Ma Zhai Xing. Naipaliwanag din kung bakit sinisikap ng prinsipe na ilayo si Ma Zhai Xing sa kanya.
Binisita ng emperador si Yao Ji sa kulungan nito upang palayain ito at bigyan ng panibagong pagkakataon upang patunayan ang sarili niya. At sa pagkakataong ito, nais ng emperador na subaybayan niya ang mga pagbabago ni Prinsipe Chu You Wen.
Hindi maitago ng emperador ang kanyang galit pagkatapos malaman na alam na ni Ma Zhai Xing ang tunay na pagkatao ni Prinsipe Chu You Wen. Dahil dito, napilitan ang prinsipe na aminin na mahal niya si Ma Zhai Xing.
Patuloy na abangan ang Chinese drama na The Wolf sa GMA, mula 11:30 p.m. hanggang 12 a.m.