Showbiz News

Kapuso stars, pinagbuklod ang buong bansa sa New Year Countdown


Sa Seaside Boulevard ng Mall of Asia nagsama-sama ang Kapuso stars para salubungin ang pagdating ng taong 2014.

Nakiisa ang lahat mula Luzon hanggang Mindanao para sa isang masayang piyesta na inihatid ng Countdown to 2014: The GMA New Year Special.

Mula sa Luzon, inirampa ni Kapuso actress Vaness del Moral ang costume para sa Bangus Festival ng Dagupan at ni Katrina Halili ang kasuotan para sa Panagbenga Festival ng Baguio – bawat isa’y naggagandahang disenyo ni  Jonas Dizon.

Para sa Sublian Festival ng Batangas, dinala nina Geoff Eigenmann at Thea Tolentino ang mga likha ni Eduardo Bourbon.

Napaindak ang mga Kapuso sa pag-rap nina Julie Anne San Jose at Kristoffer Martin. Sinabayan pa ito ng duet nina Denise Barbacena at Alden Richards.

Mula sa lalawigan ng Visayas, buong pagmamalaking ipinakita ni Max Collins ang disenyo ni Malayka Yamas para sa Sinulog Festival ng Cebu. Naki-maskara sa Maskara Festival ng Bacolod si Jeric Gonzales. Ang kanyang kasuotan ay gawa ni Jesus Segundo Cabalcar Jr.

Kitang-kita ang hunkiness ni Enzo Pineda sa kanyang suot para sa Dinagyang Festival ng Iloilo. Si Joemel Mirabuena ang nasa likod nito.

Di naman nagpadaig si Pancho Magno sa gayak niyang para sa Ati-Atihan Festival ng Aklan na likha ni Engineer Lucas Francisco.

Ipinakita nina Rocco Nacino, Louise delos Reyes, at Carla Abellana ang natatanging ganda ng rehiyon ng Mindanao at ng mga pista nito na Kaamulan sa Bukidnon, Kadayawan sa Davao at Tinalak sa South Cotabato sa pamamagitan ng mga likha nina Toni Pacheco, Tzardy Tombo, at Carlos Lubaton Legaste Jr.

Nakipagrakrakan ang bandang Kamikaze kasama sina Glaiza de Castro, Gian Magdangal, Bryan Benedict, Diva Montelaba at Jak Roberto.

Nang papalapit na ang pagsapit ng 2014, isa munang “GIMME, GIMME” ang pinerform ng Bad Boy of the Dance Floor na si Mark Herras. Nakihataw sa kanya sina Kris Bernal, Andrea Torres, Yassi Pressman, Dranrei of Anak Ko ‘Yan, Bea Binene at Rita de Guzman.

Pagkatapos ng countdown, isang magarbong 10-minute fireworks display ang sumenyas sa pagdating ng bagong taon. Nagbatian at nagyakapan ang Kapuso stars na nasa entablado habang pinanonood ang makukulay na pailaw.  


Upang damhin ang pag-asa at pagbangon sa bagong taon, inawit ang “Pagbangon” ni Julie Anne San Jose, “Bangon Kaibigan” ni Janno Gibbs at “Salamat Kapuso Salamat” nina Aicelle Santos at Maricris Garcia.

Kinanta rin nina Jake Vargas, Alden Richards, James Wright, Derrick Monasterio, at Kristoffer Martin ang One Direction Medley.

Tinapos ang Countdown to 2014: The GMA New Year Special ng greetings mula sa Pinoy TV international audience at awitin ng bandang Tiny Cactus.

Ngayong 2014, abangan ang updates sa paborito ninyong shows at mga artista sa pamamagitan ng pagbisita lagi sa www.gmanetwork.com.

--Text by Eunicia Mediodia, Photo by Regina Bengco, GMANetwork.com.