Showbiz News

Bagong P-pop group na BLVCK ACE, inspirasyon ang SexBomb Girls

By Nherz Almo

Itinuturing na alas ng BLVCK Entertainment ang BLVCK ACE kaya ito ang ipinangalan ng may-ari ng production company na si Engr. Grace Cristobal sa kanilang unang all-female group.

Ayon kay Engr. Grace, bukod sa audition, dumaan din sa matinding proseso ang members ng BLVCK ACE na sina Rhen, Jea, Ely, Anasity, at Twinkle.

“Lahat sila dumaan sa training, hindi lang for their bodies. Kahit yung mga personality development, nandoon na rin ang training namin sa kanila. But of course, mabibigla kayo kasi almost three months lang silang nag-training. So, ibig sabihin, dahil sa ganun lang ang span of time ng training, nandoon ang listen and follow the instructions, naging attentive sila sa lahat ng bagay na gusto naming ipagawa sa kanila. Alam naman nila na wala kaming ipapagawa sa kanila na ikasasama nila,” paglalahad ni Engr. Grace sa ginanap na media launch ng grupo kamakailan.

Kaugnay nito, pantay-pantay lang daw ang role ng bawat miyembro sa grupo kung kaya't wala silang itinuturing na leader.

Sabi ni BLVCK ACE Ely, “Actually po, wala po kaming [specific] roles kasi gusto po ng management namin ay pantay-pantay kami. And we, as a group, lahat po kami may kanya-kanyang talent. Talented po kaming lahat, mapa-dance, sing o acting, lahat po.

“Nandito rin po ang BLVCK Entertainment, our management, para hasain pa po ang iba pa naming talent at mag-improve pa po. We don't apply roles po kasi we can be singer, dancer, flexible po kami sa lahat.”

Sa media conference, kinanta at sinayaw ng grupo ang kanilang debut single na “Pasahero.”

Ang kanilang performance ay agad na inihalintulad sa isa sa mga iconic all-female group sa showbiz, ang SexBomb Dancers. Gayundin, ang kanilang kanta ay tunog novelty song, kung saan naging popular din ang SexBomb Dancers.

Ayon kay Engr. Grace, bagamat ipinakikilala ang BLVCK ACE bilang isang P-pop group, magpo-focus ang grupo sa novelty songs.

“Narinig n'yo naman kanina sa 'Pasahero,' kahit sino dito talagang ma-e-LSS [last song syndrome] na. Ang market namin is pangkalahatan. Wala tayong pinipiling market dito. Yung novelty songs, maipakita namin.”

Sumang-ayon naman dito si BLVCK ACE Twinkle, “Sa novelty songs, mare-reach po yung ating target audience: hindi lang pang-teenagers, but also pang-bata and pang-matanda.”

Ikinatuwa rin ng grupo na inihalintulad sila sa grupong SexBomb Dancers.

Ani BLVCK ACE Twinkle, “Actually, nakakatuwa nga po kasi parang binubuhay namin yung Sexbomb Girls na nawala na, pero dahil sa amin mabibigyang buhay ulit. Ginagawa po namin silang inspirasyon.”

Panoorin ang BLVCK ACE sa guest appearance nila sa TictoClock dito:

SAMANTALA, TINGNAN ANG GRUPONG SEXBOMB DANCERS DITO: