Showbiz News

Herlene Budol, nagkuwento ng karanasan niya sa Uganda para sa Miss Planet International

By Aaron Brennt Eusebio

Ang masaya sanang karanasan ni Herlene Budol bilang kalahok ng Miss Planet International sa Uganda noong Nobyembre ay napalitan ng trauma.

Sa kanyang panayam sa Updated With Nelson Canlas podcast, kinuwento ni Herlene ang delubyong naranasan niya sa Uganda.

Aniya, "Noong pagdating ko noon, may dalawang araw pa po kaming pahinga. Sabi ni Sir Wilbert [Tolentino], kailangan wala akong jetlag, kailangan ma-adopt ko muna 'yung tulog nila doon, 'yung oras ng kain, oras ng ganyan-ganyan."

Si Wilbert Tolentino ay ang national director ng Miss Planet Philippines at ang manager ni Herlene.

"Pagdating ko doon, masaya-saya pa, ganyan, laboy pa sa mga mall-mall, kain ng mga ganitong pagkain. Tapos ayun, naging delubyo na mga ilang araw lang ang nakalipas."

Pagbabahagi ni Herlene, mahigit 30 katao ang naghati-hati sa isang maliit na apartment.

"Pumunta lang ako noon first day namin, pagpapakilala, parang getting to know each other. Isang apartment, napakaliit, trenta plus na kami noon. Sobrang iba't ibang bansa.

"Buti na lang ho meron po akong Airbnb, apartment po na malapit doon. Hindi naman po ako pinabayaan ni Sir Wilbert, pinag-apartment niya ako kasi may kasama po akong interpreter, videographer, makeup artist, at saka hairstyle, kaya parang hindi naman po ako pwedeng pumunta sa kanila tapos isama ko 'yung team ko."

Ayon pa kay Herlene, inutusan ng organizer na kunin ang passport ng mga kandidata upang hindi sila makaalis ng bansa ngunit kinalaunan ay binigay rin ito ng organizer.

"Sinabi nung organizer by phone na kunin daw 'yung mga passport ng mga babae para makatulog pa sila ng isang araw. Parang assurance na okay lang kahit hindi pa kami bayad kasi ano pa kami e, tawag dito, meron naman akong assurance sa mga passport nyo," pasabog na kuwento ni Herlene.

"Alangan naman umalis 'yang mga 'yan, hindi makakaalis ng bansa 'yan ng walang passport. So, parang pinain po ng organizer 'yun. Sinabi po ng organizer na sabihin sa hotel na kunin na lang para assurance nga.

"Pagbalik po namin, kinukuha na po ng mga babae 'yung passport nila kasi gusto na po nila magpahinga. 'Yung iba gusto na mag-backoout kasi whole day wala kang kain.

"Tapos, e di nagkagulo na, 'Bakit ayaw ni'nyong ibigay 'yung passport?' So, binigay na 'yung mga passport."

Dahil sa hindi sila pinapakain ng organizer, nanghingi si Herlene ng pagkain sa mga nakakasalubong niyang OFW sa mall sa Uganda.

"Lahat kami walang kain, walang tubig man lang kaya parang nagtataka kami bakit wala kaming kasamang organizer. 'Yung organizer na sinasabi ko, iisa lang siya. Sa lahat ng candidate, ang dami-dami ho namin, isa lang po 'yung representative nila, tapos 'yung iba puro National Director na nagkukusang loob na lang para i-guide po kami.

"Buti na lang may ano kami, meron kaming nakitang Pilipino doon, pinakain ho ako noon, e. Para nga akong pulubi, sabi ko. Di ba dinala kami sa mall, sabi sa akin, 'Uy, hipon pa-picture.' Buti nakilala po ako noon.

"Nung pinakilala ako, ay, nung nakilala ako, sabi ko talaga, kinapalan ko ang muka ko, sabi ko, 'Te, libre mo naman ako, penge naman akong, pengeng kahit ano, barya, pambili lang ng kayang bumili ng kahit tinapay.'

"Pero nilibre niya po kami sa ano, sa parang fast food chain."

Hindi pa rito nagtatapos ang traumang naranasan ni Herlene dahil hinabol pa siya ng mga armadong pulis.

"So, tinulungan ako nila ano, iba-iba, Czech Republic, tapos nag-eskandala na po sila, kami. Kasi ako, hindi ko kayang makipagtalakan sa kanilang, 'Hey!' ganyan, hanggang iyak lang po ako kasi sobrang takot na ako.

"So, pinigilan po nila akong makalabas ng gate pero 'yung may-ari ng van na sinasabi ko sa inyong Ugandan, siya po 'yung nag-explain sa mga pulis doon, basta in'-explain niya sa pulis at saka sa mga guard na hindi po, labas po kami. Labas po ako lalo din sa isyung 'yun."

Ayon kay Herlene, hindi rin umano binayaran ng organizer ang van na ginamit ng mga kandidata.

"Isa din po ['yung may-ari ng van] sa mga nagtawag na pulis, e, kasi siya din, hindi rin siya nabayaran. So, 'yung mga siguro natawag niya, 'yun 'yung nakinig sa kanya.

"So, pinalabas po ako, hinila po akong ganyan. Pinalabas ako kasama ko 'yung makeup artist ko, hair stylist, videographer, at saka 'yung drivier. Paglabas ko, siguro 'yung ibang pulis hindi nasabihan, hinabol po ako ng maraming may baril."

Hanggang ngayon ay natatakot pa rin ni Herlene na ikuwento nang buo ang traumang naranasan niya sa Uganda.

Aniya, "Napaghihinaan pa ako ng loob kung ike-kuwento ko. Actually, may isang buong vlog po ako ng kuwento pero hindi ko makuwento kasi parang natatakot ako na baka 'yung mga tao hindi maniwala sa akin. Sasabihin na naman OA ako."

"Ayoko nang umiyak, ayoko nang umiyak. Alam mo 'yun, everytime na iiyak ako, parang sasabihin nila, sa totoo lang, ah, grabe 'yung lamig ko ngayon. Nangangatog ako."

Hindi natuloy ang coronation night ng Miss Planet International sa Uganda dahil na-postpone ito dahil sa mga kandidatang nag-backout.

Gaganapin na ito sa January 2023 sa Cambodia ngunit hindi na sasali si Herlene dito.

"Sinabi ko po kay Sir Wilbert, kung sasali pa po kami ng pageant, ayoko na po doon. Parang natatakot na po ako."

"Siguro hahayaan ko na lang po 'yung tadhana na ang mamili kung saan po karapat dapat kasi grabe na po 'yung napagdaanan. Sobrang nabibuwisit ako 'pag naaalala ko.

"Basta, hindi ko na ma-explain kung ano 'yung feeling ko nung time na 'yun, basta ang akin, ayoko na talaga ding balikan 'yung point na 'yun."

Pakinggang ang unang bahagi ng guesting ni Herlene sa Updated With Nelson Canlas DITO: