Showbiz News

'Moments of Love' starring Dingdong Dantes and Iza Calzado, tampok sa I Heart Movies ngayong linggo

By Aimee Anoc

Muling balikan ang pagmamahalan nina Marco at Divina sa 2006 romance film na Moments of Love, na pinagbidahan nina Dingdong Dantes at Iza Calzado, ngayong linggo sa digital channel na I Heart Movies.

Ang Moments of Love ay iikot sa kakaibang love story nina Marco (Dingdong), isang photographer mula sa kasalukuyang panahon, at Divina (Iza), anak ng isang haciendero na nasa taong 1957. Nakilala ni Marco si Divina sa pamamagitan ng isang misteryosong telepono na nasa kwarto nito, na siyang dating silid ni Divina.

Kasama rin nina Dingdong at Iza sa pelikulang ito sina Karylle, Gloria Romero, Chinggoy Alonzo, Ces Quesada, Ian Veneracion, Paolo Contis, Isabel Oli, Dion Ignacio, Sandy Andolong, Jojo Alejar, Ama Quiambao, at Valerie Concepcion.

Mapapanood ang Moments of Love sa Pinoy Movie Date, December 6, 4:00 p.m.

Tunghayan din ang Asintado, isang drama film na iikot sa kwento ng byudang si Julia (Aiko Melendez) at ng kanyang dalawang anak na sina Tonio (Jake Vargas) at Etok (Miggs Cuaderno), may autism. Dahil walang kakayahan sa buhay, nahihirapan si Julia na palakihin ang dalawa niyang mga anak.

Sa pag-aasam na mapabuti ang kanilang buhay, tinanggap ni Tonio ang alok sa kanya ni Carias (Gabby Eigenmann) na maging isang drug courier.

Abangan ang Asintado sa Pinoy Movie Date, December 8, 8:00 p.m.

Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.