
Umaapaw ang kasiyahan ni Jeric Gonzales matapos muling makatanggap ng pagkilala para sa Broken Blooms, ang pelikulang idinerek ni Direk Louie Ignacio.
Sa latest Instagram post ni Jeric, ibinahagi niya ang mga larawan kung saan makikita ang kanyang bagong trophy.
Sa katatapos lang na Saskatchewan International Film Festival, Canada, kinilala si Jeric bilang Best Lead Actor para sa kahanga-hangang pag-arte na kanyang ipinakita sa nasabing palabas.
Ayon sa Start-Up PH star, ito na ang ikalimang international award na kanyang natanggap para sa naturang pelikula.
Pagbabahagi ni Jeric, “5 and counting! First of all, thank you Lord, maraming salamat po sa lahat ng ito. Gusto ko rin pasalamatan ang lahat ng bumubuo sa pelikula namin na “BROKEN BLOOMS” simula sa aming direktor na si direk @direklouieignacio maraming salamat sa opportunity na binigay n'yo sa akin and sa guidance and motivation para magawa ang napaka ganda at makabuluhan na pelikula na ito. Without you direk hindi ko po magagawa lahat ito. Gusto ko din pasalamatan ang mga napakagaling at mga award-winning kong co-actors ko na sina Ms. Jaclyn Jose, It's an honor po na makasama ko ang isang best actress salamat po for guiding me in this film.”
Bukod sa aktor, muli ring nakatanggap ng award ang katambal niya sa pelikula na si Therese Malvar. Sa kanyang post, isa ang award-winning actress sa kanyang mga pinasalamatan.
Mensahe ni Jeric kay Therese, "@theresemalvar, teri!!! Salamat!! Alam mo 'yan hindi ko din magagawa ito ng maganda kung hindi ikaw ang partner ko rito sa film.”
Pinasalamatan niya rin ang kanyang Start-Up PH co-star na si Royce Cabrera na nakatrabaho niya rin sa pelikulang Broken Blooms.
"@royce.cabrera, brotherly! nung una pa lang alam ko na sobrang galing mo kaya salamat isang karangalan na makasama kita."
Ang sumunod naman niyang mensahe ay para sa comedian-actor na si Boobay, "friend!!! Grabe ka! Sobrang galing mong aktor!!! Ginulat mo kaming lahat! Sobrang galing mo dito!!! Congrats sa atin!”
Dagdag pa niya, “And to everyone na kasama namin dito na ibang actors thank you so much!!! And lastly sa lahat ng bumubuo ng Bentria productions headed by Engr.Benjie Austria, Dennis Evangelista, Ferdy Lapuz, Bigboy Villariza, Direk Ralston Jover, TM Malones and sa buong team bentria maraming maraming salamat sa inyong lahat! Para sa atin lahat ng karangalan na to! Mabuhay ang PELIKULANG PILIPINO.”
Tinapos naman ng aktor ang kanyang post sa isang imbitasyon, “Mga kapuso “BROKEN BLOOMS” showing na po on december 14 in cinemas nationwide.”
Kasunod nito, ilang mga kaibigan ni Jeric sa show business ang nagpaabot ng kanilang pagbati sa aktor tulad nina Ruru Madrid at EA De Guzman.
Matatandaang ang unang pagkilala na kanyang natanggap para sa pelikula ay nagmula sa Harlem International Film Festival, kung saan itinanghal siya bilang Best Actor.
Kinilala rin siya ng Tagore International Film Festival bilang Best Actor.
Kasunod nito, nakatanggap naman siya ng parangal na Critics Choice for Best Actor in an Indie sa India's Mokkho International Film Festival.
Ang pang-apat na pagkilala naman sa kanya bilang Best Actor pa rin ay mula sa Italy's 4th Montelupo Fiorentino International Independent Film Festival, at ang panlima ay mula sa Saskatchewan International Film Festival, Canada.
Napanood si Jeric sa Broken Blooms bilang si Jeremy, ang asawa ni Cynthia (Therese Malvar). Ayon sa isang interview, sinabi niyang malaki ang naitulong ng Broken Blooms sa kaniyang career bilang isang aktor.
Kasalukuyang napapanood si Jeric bilang si Davidson "Dave" Navarro (Nam Do-san) sa GMA drama series na Start-Up PH.
SILIPIN ANG THIRST-TRAP PHOTOS NI JERIC GONZALES SA GALLERY SA IBABA: