
Muling magtatambal ang Kapuso stars na sina David Licauco at Shaira Diaz sa isang pelikula na ipalalabas sa 2023.
Sa isang Instagram post nitong Miyerkules, December 28, ibinahagi ni Shaira ang teaser poster ng nasabing pelikula na pinamagatang Without You.
Ayon sa poster, ang naturang pelikula ay mula sa OctoArts Films at idinerehe ni RC Delos Reyes na mapapanood sa February 15, 2023.
Sa Twitter naman, ipinasilip din ni David ang kanyang bagong karakter sa pelikula bilang si Axel.
In cinemas, Feb 15 pic.twitter.com/ukCE4cm1Bv
-- David Licauco (@davidlicauco) December 28, 2022
Mapapanood naman sa inilabas na unang trailer ng pelikula ang ilang nakakakilig at emosyonal na eksena ng dalawa kung saan gumaganap sila bilang modern couple na dumadaan sa isang matinding relationship struggle.
Sa comments section ng naturang trailer sa YouTube, marami sa kanilang fans ang nagbigay suporta sa kanilang reunion movie.
“Grabe yung chemistry niyo, Shaira and David. Napapanood ko na kayo dati pa and I'm happy na bumalik ulit kayo. Galing din ng GMA, hindi kayo kinukulong sa iisang love team, kahit kanino pwede i-partner tapos lumalabas talaga ang galing sa inyong crafts. Also, nakakatuwa ang mga fans na may respect sa inyo bilang isang individual artist. Mahusaaay! Panonoorin ko 'to,” komento ng isang fan.
“Ito yung love team na sumasabog 'yung chemistry kahit di sila in a relationship in real life, bagay talaga sila, para akong nanunuod lagi ng millennial Wattpad story kapag sila 'yung nasa screen,” komento pa ng isang netizen.
“Lakas pa rin talaga ng chemistry ni David kay Shaira. Excited na for this. Mukhang papaiyakin tayo ng movie na 'to,” ani ng isang fan.
“I'm so glad na hinahayaan ng GMA si David mag-grow as an actor by pairing him freely with different actresses. Na-explore na ni David lahat ng genre.. Comedy, Fantasy, teen like romance, and now this. The next generation of leading man is comin',” mensahe ng isang fan.
“Ang natural talaga umarte ni Ate Shaira, first trailer palang 'to pero excited na ko sksksksk,” usisa pa ng isang netizen.
Una nang nagtambal sina Shaira at David sa 2019 romantic comedy film na Because I Love You, directed by Joel Lamangan.
Kasalukuyan namang napapanood ngayon si David sa pinag-uusapang GMA Telebabad series na Maria Clara at Ibarra bilang si Fidel. Habang guest co-host naman ngayon si Shaira sa flagship morning show ng GMA na Unang Hirit.
KILALANIN ANG CHINITO HEARTTHROB NA SI DAVID LICAUCO SA GALLERY NA ITO: