Showbiz News

Anthony Rosaldo reveals the first singer he looked up to

By Aimee Anoc

Masaya at nagpapasalamat si Kapuso Pop Rocker Anthony Rosaldo sa sunod-sunod na blessings na dumarating ngayon sa kanyang showbiz career.

Unang nakilala si Anthony nang sumali sa "Spogify feat Singing Baes" segment ng Eat Bulaga at napasama sa finalist ng The Clash Season 1 noong 2018.

Nakapaglabas na siya ng sariling mga awitin tulad ng "Larawan Mo," "Pwedeng Tayo," at "Tama Na." Iba't ibang pagkilala na rin ang natanggap ng singer-actor tulad ng Best New Male Singing Performer at Best Male Singing Performer ng National Customers' Choice Annual Awards, at Breakthrough Artist of the Year mula sa World Class Philippines Council.

Ayon kay Anthony, bata pa lamang ay pinangarap na niyang "maging isang artista."

Kuwento niya, "Bata pa lang ako ito na talaga 'yung gusto kong gawin. Kaya 'yung family ko was really supportive about it. Kahit nung bata ako talagang nag-VTR ako sa mga commercial, movies, and sumasali na ako sa mga singing contest sa TV. So I love performing ever since I was a kid, 'yun talaga 'yung passion ko."

Isa sa naging inspirasyon ni Anthony para maging isang mang-aawit ay ang kanyang ama, na aniya, "first singer talaga ng kanyang buhay."

"Pero for the professional singer, that will be Gary Valenciano. Siguro kapag kumakanta ako mayroong mga sumisingit na Gary Valenciano sound, s'ya talaga 'yung unang idol ko."

Sa ngayon, abala si Anthony sa paghahanda sa kanyang role sa hit Filipino musical na Ang Huling El Bimbo, kung saan gaganap siya bilang young Hector.

Pagbabahagi niya, "Itong Ang Huling El Bimbo was stage I think nung 2018 pa, so this will be the third run. Marami ng fans Ang Huling El Bimbo and I remembered when I first watch it online that was 2020, kalagitnaan ng pandemic, sobrang naapektuhan ako nung musical. Not only because it is about the songs of Eraserheads na talagang kinalakihan natin lahat.

"Almost all of those na kilala ko, na kaedaran ko, and also kahit 'yung mga younger generations ngayon, alam nila 'yung kanta ng Eraserheads. So excited ako na kantahin 'yun and syempre 'yung istorya ng Ang Huling El Bimbo The Musical."

Mapapanood ang Ang Huling El Bimbo sa Newport Performing Arts Theater sa Abril.

MAS KILALANIN SI KAPUSO POP ROCKER ANTHONY ROSALDO RITO: