Showbiz News

Brent Valdez, 'dumaan sa butas ng karayom' nang magsimula sa showbiz

By Kristian Eric Javier

Para kay Maria Clara at Ibarra actor na si Brent Valdez, maikukumpara niya ang pagpasok niya sa showbiz sa pagdaan sa butas ng karayom, lalo na at wala siyang kilala sa industriya.

“Tinaya ko lahat e, tinaya ko lahat when I came in. Sabi ko, 'Bahala na, pangarap ko to,” sabi niya sa interview sa "Marites University" podcast.

Dagdag pa niya, bata pa lang siya ay nakikita na niya ang sarili bilang isang performer kaya hindi siya sumuko kahit na marami na siyang pinagdaanang pagsubok.

“The first few years, ite-test ka talaga niyan na 'kaya mo ba dito?' O kaya 'kala mo nakalagpas ka na sa first obstacle but then there's gonna be a lot of obstacles along the way,” aniya.

Sinabi rin ni Brent na sa huli, kung para sa'yo ang isang bagay ay makukuha mo ito at isang araw, nagulat na lang daw siya na siya na ang nasa "spotlight" matapos maging parte ng cast ng isang show.

“Yung oras na 'yun, I was super emotional. I cried and called my friends up and said 'Woah, this is the first time that I'm gonna be experiencing this na ako na 'yung [nasa] spotlight' na matagal [ko] siyang hinintay,” dagdag pa niya.

Ayon sa aktor, nagsimula ang paglabas niya sa TV sa Wish Ko Lang noong nakaraang taon bago lumabas sa hit fantasy-portal series na Maria Clara at Ibarra bilang Alfonso Linares. Bukod pa doon, lalabas din siya sa inaabangang Voltes V: Legacy bilang isang Bozanian, si Magus.

Ano naman kaya ang masasabi ng parents niya tungkol sa kaniyang piniling career?

Inamin naman din ni Brent na hindi siya pinayagan ng mga ito nung una dahil mas gusto nila na mag-aral siya.

“They wanted me to - mag-aral, magtrabaho, magkaroon ng buwan-buwan talaga na tulo-tuloy na regular na suweldo,” sabi niya.

Dahil pangarap talaga niya ang mag-perform, itinuloy pa rin niya ang pagpasok sa showbiz at itinuloy din ang gusto ng mga magulang niya na mag-aral at kumuha ng kurso sa Marketing and Advertisement.

MAS KILALANIN PA ANG SINGER-ACTOR NA SI BRENT VALDEZ SA GALLERY NA ITO: