Showbiz News

Love stories sa GMA Afternoon Prime




Villa Quintana: Isagani (Elmo Magalona) at Lynette (Janine Gutierrez)

Marami nang napagdaanang pagsubok sina Isagani at Lynette. Bata pa lamang sila ay pilit na silang pinaghihiwalay ng kanilang mga pamilya kaya’t lumaki ang dalawa na patagong nagkikita. Ngunit kahit ano'ng gawin nila ay palagi pa rin silang nahuhuli ng mga Quintana at ng ina ni Isagani na si Lumeng.

Ilang beses nang pinaglayo sina Isagani at Lynette ng kanilang mga pamilya. Isa rito ang pagpapaluwas ni Don Manolo kay Lynette sa Maynila para doon mag-aral. Ngunit pinaglapit pa rin sila ng tadhana ni Isagani dahil sa mismong eskwelahan ni Lynette rin nakakuha ng scholarship si Isagani. Dahil dito, natuloy pa rin ang pag-iibigan ng dalawa.

Pero nang nagtangka silang magtanan, may ibinunyag si Robert sa kanila na naging dahilan ng tuluyang nilang paghihiwalay. Ito ang pahayag niyang magkapatid daw sina Isagani at Lynette. Totoo bang magkapatid ang dalawa? Paano na ang pag-ibig na matagal na nilang ipinaglalaban?


Magkano Ba Ang Pag-ibig?: Eloisa (Heart Evangelista) at Lucio (Sid Lucero)

Nagsimula ang pag-iibigan nina Eloisa at Lucio nang magkakilala sila sa San Sebastian. Nahulog ang loob nila dahil palagi silang magkasama at pareho silang may interest sa agrikultura. Ngunit nagkalayo nang pansamantala ang dalawa dahil kailangang bumalik ni Lucio sa Maynila para magtrabaho.

Pagbalik ni Lucio sa San Sebastian, nagulat na lamang siya na ikakasal na si Eloisa at ang kapatid niyang si Bobby. Nakipagkasundo kasi si Doña Hilaria kay Eloisa na pakasalan ang anak niya na may sakit sa pag-iisip kapalit ang maginhawang pamumuhay ng kanyang pamilya. Kahit si Lucio talaga ang nasa puso ni Eloisa ay itinuloy niya pa rin ang kasal bilang respeto sa pamilya ni Bobby. Walang nagawa si Lucio kundi tanggapin na lamang na wala na siyang karapatan kay Eloisa.

Pero ngayong tila nagpaparaya na si Bobby, may pag-asa pa ba ang naudlot na pag-iibigan nina ni Eloisa at Lucio? Ito ba ang kapalit ng matagal na paghihintay at pagpaparaya ni Lucio sa minamahal?


The Borrowed Wife: Maricar/Sophia (Camille Prats) at Rico (Rafael Rosell)

Malaking problema ang dinala sa buhay ng mag-asawang Maricar at Rico nang mahuli ni Maricar ang asawa na nangangaliwa. Hindi ito kinaya ni Maricar kaya’t umalis siya patungo sa lugar na hindi siya matatagpuan ng asawa.

Nakarating si Maricar sa isang malayong resort at doon niya nakilala si Earl. Na-obsess sa kanya si Earl at ayaw na siyang paalisin sa resort. Isang gabi ay nasunog ang kuwartong tinutuluyan ni Maricar at nasira ang kanyang mukha. Nagkaroon din siya ng amnesia kaya’t sinamantala ni Earl ang pagkakataon upang angkinin siya. Dahil isang cosmetic surgeon si Earl, pinalitan niya ang mukha ni Maricar at pinangalanan niya itong Sophia, ang dati niyang kasintahan. Nagpakilala rin siya kay Maricar bilang asawa nito.

Tuluyan na bang maaangkin ni Earl si Maricar? Kailan kaya babalik ang alaala ni Maricar? Makilala niya kaya si Rico kapag nagkrus sila ng landas?

Abangan ang kapalaran ng inyong paboritong love teams. Patuloy na subaybayan ang Villa Quintana, Magkano Ba Ang Pag-ibig?, at The Borrowed Wife sa GMA Afternoon Prime, weekdays after Eat Bulaga.

Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com