
Matapos ang kanilang successful team-up sa kanilang first-ever primetime series na Luv Is: Caught in His Arms, excited naman ngayon ang Sparkle sweethearts na sina Sofia Pablo at Allen Ansay sa kanilang mga bagong karakter bilang sina Sari at Jecoy sa bagong digital series ng GMA Public Affairs na In My Dreams.
Sa panayam ng GMANetwork.com kina Sofia at Allen kasabay ng kanilang bagong endorsement kamakailan, ibinahagi ng dalawa ang kanilang excitement sa naturang bagong proyekto.
Ayon kay Sofia, masaya ang kanilang naging unang taping dahil first time nilang nakatrabaho ang kapwa Kapuso stars na sina Sanya Lopez at Juancho Trivino na may mahahalaga ring roles sa serye.
“Super saya po ng taping lalo na mayroong mga ibang celebrities na may mga important roles sa istorya like si ate Sanya Lopez at si kuya Juancho Trivino. [Sila] 'yung mga artists na 'yung recent roles nila talagang tumatak sa tao so super excited kami na part sila ng In My Dreams,” ani Sofia.
Excited na rin ang teen actress sa next leg ng kanilang taping kung saan kukuhanan na ang mga eksena ng lucid dreaming - na pinaka-tema ng nasabing digital series.
Aniya, “Magte-taping na rin kami nung dream world - 'yung lucid dreaming ni Sari [na role] ko, ite-tape na namin 'yung mga panaginip niya so super excited ako kasi nandun na 'yung mga pangarap niya and kapag napanood [ito] ng mga tao, alam ko iisipin nila, 'Ang cute naman, puwede pala 'yun.'”
Nagpapasalamat naman si Allen dahil sa panibagong proyekto na ipinagkatiwala sa kanila ng GMA at excited na rin siya na gamitin ang mga salitang Bicolano na hinihingi ng kaniyang karakter dito.
“Dagdag ko lang ang ganda ng story na 'to and we're very thankful sa GMA, sa Sparkle, and sa GMA Public Affairs kasi isang project na naman ang binigay sa amin na hindi pa namin nagagawa and super excited ako kasi dito mapapagamit tayo ng Bicol,” saad ni Allen.
Iikot ang kuwento ng In My Dreams sa business student at No Boyfriend Since Birth o NBSB na si Sari na ginagampanan ni Sofia, at kay Jecoy na binibigyang buhay naman ni Allen.
Upang maibsan ang kanyang kalungkutan sa realidad ng buhay, nakabuo ng bagong mundo si Sari sa pamamagitan ng lucid dreaming kung saan niya nakilala si Jecoy. Sa kanyang panaginip, pawang kasiyahan lamang ang kanyang nararanasan kasama si Jecoy.
Hanggang panaginip na lamang ba ang love story nina Sari at Jecoy? O may pag-asa pang maituloy ang kanilang kuwento sa totoong buhay?
Ang In My Dreams ay mula sa may likha ng matagumpay na fantasy romance drama ng GMA Public Affairs na The Lost Recipe.
Abangan ang In My Dreams kasama sina Sofia Pablo at Allen Ansay sa darating na Abril 2023.
SILIPIN ANG SECOND DAY NG TAPING NINA SOFIA PABLO AT ALLEN ANSAY PARA SA IN MY DREAMS SA GALLERY NA ITO: