
Naniniwala si Herlene Budol na ito na ang tamang panahon na sumali siyang muli sa beauty pageant sa pamamagitan ng Miss Grand Philippines 2023 matapos mag-withdraw sa Miss Planet International 2022 nang makaranas ng samu't saring aberya.
"Pag pinatagal ko pa, baka makalimutan ko pa lahat ng trinaining ko no'ng Binibini, 'di ba?" bahagi ni Herlene sa isang panayam kamakailan sa anniversary event ng ineendorso niyang makeup brand.
Si Herlene ang orihinal na kinatawan ng bansa sa Miss Planet International pageant bilang parte ng obligasyon niya bilang Binibining Pilipinas 2022 first runner-up. Pinalitan siya ni Maria Luisa Varela.
Ayon sa kanya, may delay lang nang kaunti sa pagpapasa niya ng application para sa Miss Grand Philippines 2023 pero desidido na raw siyang sumali rito.
"'Yun 'yung talagang goal namin, 'di ba? 'Yun 'yung gusto naming makuha pero hindi namin nagawa baka this is the right time."
Magbibigay naman daw ng update si Herlene sa kanyang mga tagahanga kung sakaling pormal na siyang nakapag-apply sa inaasam niyang salihang beauty pageant.
Sa ngayon, naka-focus siya sa kanyang launching series na Magandang Dilag na mapapanood sa GMA.
Aniya, "Sobrang happy ako kasi sumabay 'yung ongoing kong first lead role ko po kaya sana abangan n'yo rin pero sure po ako na hindi maaapektuhan ng Miss Grand 'yung aking first lead role at saka naka-focus muna ako doon pero patapos na kasi ang taping kaya parang papunta na tayo sa exciting part."
Nagsisimula na rin siyang mag-diet muli para sa Miss Grand Philippines. Kaya tanong ng media, bakit nga ba gustong-gusto niyang makatungtong sa kompetisyong ito?
Sagot niya, "Si Sir Wilbert Tolentino (manager ni Herlene) lang talaga nagmulat sa 'kin ng salitang pageant ulit e kasi para sa 'kin 'di ako para do'n, kita n'yo naman, 'di ba?
"So tinry ko naman yung best ko so kaya ngayon kung bakit gigil na gigil ako kasi 'yun 'yung gusto ni Sir Wilbert na alam kong ikakabuti ko kagaya no'ng nakinig ako sa kanya no'ng sumali ako ng Binibini. Mas napabuti po 'yung buhay ko, 'yung show ko, and everything."
Malaking bagay rin daw na tumaas ang respeto ng tao sa kanya dahil sa pagsali niya sa pageant.
Patuloy ni Herlene na nakilala bilang "Hipon Girl," "Saka 'yung respect nga ng tao na mas nadagdagan kumpara dati kasi 'Hipon' o 'Budol' ako kung tawagin.
"Ngayon, nakakaproud sabihin na tinatawag na akong Ms. Herlene kasi parang itinuturing nila talaga akong beauty queen na kahit sabihin nating first runner-up lang ako, wala akong crown, 'yung respect na nakukuha ko sa ibang tao, sobrang sarap sa feeling. Yun yung naging isa sa mga crown ko."
BAGO SIYA SUMABAK MULI SA PAGEANT, BALIKAN ANG ILANG LARAWAN NI HERLENE BUDOL BILANG BEAUTY QUEEN: