
Kasing tindi ng ulan ang ibinuhos na emosyon ng content creator at chef na si Ryan Morales Reyes o mas kilala bilang Ninong Ry sa kanyang Facebook page tungkol sa tindi ng epekto ng pagbaha sa kanyang personal na buhay.
Matatandaang noong 2024 at nito lamang Hulyo ay nakapanlulumong ibinahagi ni Ninong Ry na ang bahay niya sa Malabon, kung saan matatagpuan ang kanyang studio at kitchen, ay binaha.
Binigyang-diin ng chef-vlogger na napakasakit na malaman na base sa mga impormasyon na lumabas sa kabi-kabilang imbestigasyon ng Senado at House of Representatives na daang bilyong budget para sa flood control projects ang diumano ay ninakaw ng ilang mambabatas, ilang opisyal ng DPWH at kakuntsaba nilang contractor.
Post ni Ninong Ry, “Buong buhay ko, binabaha na kami. Mahirap, pero naging parte na ng buhay namin. Akala ko parte lang talaga ng buhay. Natutunan namin tanggapin. Natutunan namin mag adapt. Natutunan naming lunukin na lang ang sama ng loob kasi wala, ganun talaga eh.
“Pero ganun nga ba talaga? Dapat ba ganto kahirap? Dapat ba ganito kasalimuot? Tumanda akong matibay dahil dito. Hindi lang ako. Pati ang milyong milyong mga Pilipino. Kaso ang tanong, oo kaya natin, pero deserve ba natin?
"Nakikita nyo sa mga post namin tungkol sa baha na parang tinatawanan lang namin. Na para bang sanay na sanay na kame. Na para bang ok lang. Ang totoo, hinde. Naiiyak ako sa napakaraming pagkakataon na kinailangan ko ulit na magsimula. Bili ng bagong gamit. Pagawa ng motor. Mga family album na inanod. Malaki ang perang nawawala tuwing baha pero pucha, hindi lahat nabibili ng pera.”
Last year, grabe rin daw ang kaba niya nang maranasan ng kanyang partner ang tindi ng baha sa kanilang lugar. Noong Mayo 2024, kinumpirma ni Ninong Ry na isinilang na ang kanyang baby boy na si Rue.
"Nung kakapanganak lang ng misis ko, binaha kame ng matinde. Ako bilang sanay na, pinapakalma ko siya pero ang totoo. Nababaliw na din ako. Alam kong hindi na dapat namin dinaranas to. Sabi nya sakin di siya pwedeng lumusong kasi sariwa pa hiwa ng CS nya,” pagbabalik-tanaw ni Ninong Ry.
Dagdag niya, “Patawa kong sinabi na bubuhatin ko na lang siya at yung mga bata e isasakay ko sa batya. After nun bumalik ako sa pagbabantay sa baha na kala mo bang may magagawa ako habang pinapanood kong inaanod ang mga kaunting naipundar ko kasabay ng mga pictures, awards, at kung ano ano pang bagay na di na maibabalik pa.
“Isa, dalawang beses, baka ok lang e. Minsan delubyo talaga. Pero yung ganto? Yung paulit ulit na? Di natin deserve to.”
“Tas biglang lalabas ang issue na ang lintik na budget pala para hindi maranasan tong mga bagay na to e napunta lang sa mga taong sakim? Ang sakit sa loob ko. Ang sakit sa loob natin. Bilang mga taong nagbabayad ng buwis, para tayong iniputan sa ulo. Uulitin ko. Hindi natin deserve to.”
Muli niyang iginiit na 'hindi deserve' ng mga mamayang Pilipino ang ganitong sitwasyon na palaging binabaha.
Aniya, “Hindi deserve ng Pilipino to. Hindi natin deserve na paulit ulit anurin. Hindi. Pinagdadasal ko na sana kung sino man ang mga taong nasa likod nito e magbayad. Kaso putek nagawa na yung mga projects e. Pag inayos kailangan ulit ng budget. San kukunin ang budget?? Satin pa din.
“Galit na may katambal na lungkot ang nararamdaman ko. Walang mapaglagyan. Hindi ako makatulog. Sila kaya, nakakatulog pa?
“Tama na to. Hindi natin deserve to. Ayusin nyo to. Hindi naming deserve to.”
Kahapon, September 21, idinaos ang kaliwa't kanang mga kilos protesta kontra sa sunod-sunod na katiwalian sa gobyerno.
Ilang celebrities ang lumahok sa mga pagtitipon sa Luneta Park at sa EDSA People Power Monument.
Kilalanin sila dito: