
Aminado si OPM Icon Ogie Alcasid na kahit pa 27 years old na ang kaniyang panganay na anak na si Leila ay “little girl” pa rin ang tingin niya dito. Kaya naman, aniya, hindi siya sigurado kung handa na siyang ihatid ang anak sa altar.
Matatandaan na noong September ay inanunsyo na nina Leila at fiancé na nito ngayon na si Mito Fabia aka Curtismith ang kanilang engagement sa Instagram.
Ani Leila sa kaniyang post, “The most special anniversary gift ”
Kalakip nito ang litrato nila ni Mito kung saan makikita sa kaniyang daliri ang kaniyang engagement ring. Si Leila ay anak ni Ogie sa dating asawa at beauty queen na si Michelle van Eimeren.
Sa "Fast Talk" segment ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, November 12, isa sa mga tanong ng batikang host na si Boy Abunda ay “Yes or no, ready na ihatid si Leila sa altar?”
Sagot ni Ogie, “Oo. Yes, yes, yes.”
Pagkatapos ng segment, binalikan ni Boy ang kaniyang sagot at tinanong si Ogie kung ano ang nararamdaman niya ngayong engaged na ang kaniyang panganay na anak at anytime ay lalakad na sila para ihatid si Leila sa altar.
“Iniisip ko pa lang ngayon, umiiyak ako, e. Kasi, ang tingin ko kasi sa panganay ko, kahit 27 na po siya, ang tingin ko pa rin sa kaniya is a little girl,” sagot ni Ogie.
Ngunit paglilinaw ng singer-songwriter, magiging proud pa rin siya sa kaniyang anak at kay Mito, at sinabing “he's a very nice man.”
Pag-amin ni Ogie, hindi sila nagkasundo noong una ni Mito. Ngunit ngayon, mas naiintindihan na nila ang isa't isa.
“We didn't start off on the right foot nu'ng simula but we understand each other, we communicate well, saludo ako sa kaniya sa pag-aalaga niya sa anak ko,” sabi ni Ogie.
Related gallery: Leila Alcasid serves high fashion in magazine shoot
Matatandaan na noong August ay ipinahayag ni Ogie kung gaano siya nasaktan at sumama ang loob noong magdesisyon ang anak na si Leila na bumukod at makipag-live in sa kaniyang nobyo.
“Ito naman ay open naman ito, 'yung panganay ko, actually, bumukod, na ikinasama ng loob ko at sinabi ko sa kanilang dalawa ng boyfriend niya, 'Bakit hindi kayo nagsabi sa akin?' E, alam mo naman ang kabataan, hindi magsasabi 'yan e at lalo mong pipigilin, gagawin pa rin nila,” sabi ni Ogie sa isang episode ng It's Showtime.
Ayon pa sa OPM Icon, kahit pa masama ang loob niya ay sa huli, pinayagan na rin niya ang kaniyang anak dahil “nag-a-adulting” na naman na ito.