
Sa ikatlong linggo ng One Night Steal, kailangan paigtingin pa ni Angie ang pagbawi ng kaniyang swerte dahil may paparating na kometa na maaring permanenteng magbago ng kapalaran niya.
Kahit na bumubulusok ang kasikatan ng The Comet, nakakaramdam pa rin ng pagdududa si Nott tungkol sa kaniyang kapabilidad bilang isang singer. Maganda ba talaga ang kanta nila o sinuwerte lang sila? Pinapagaan man ni Angie ang pakiramdam niya, 'di pa rin maiwasan ni Nott isipin na baka may mangyaring hindi maganda. Ngunit sa gitna ng kanilang pag-uusap, nakaramdam ng deja vu si Nott dahil para bang nag-usap na sila ng ganito noon.
Dahil sa masinsinan nilang pag-uusap, hindi maiwasang mapalapit ang loob ni Nott kay Angie. Ngunit bago pa man sila makapag-halikan, umiral na naman ang kamalasan ni Angie dahil natunton ng mga fans ni Nott ang karaoke room kung nasaan sila.
Dahil wala pa ring nangyayari sa kanilang dalawa ni Nott, hindi pa rin mabawi ni Angie ang swerte na dati niyang tinatamasa. At dahil sa parating na comet, mas lalo pa siyang mamalasin.
Ayon sa manghuhula na tumutulong sa kanya, nagdadala ng dagdag na swerte ang comet sa mga swerte at dagdag na kamalasan sa mga malas, kaya kailangan ni Angie na maibalik ang swerte niya bago dumating ang comet. Kapag hindi niya ito nagawa, magiging permanente ang kamalasan niya.
Pilitin man ni Angie na maging positibo, hirap na siya ngayong gawin ito lalo na at pati ang kaniyang mga magulang ay apektado na rin ng kamalasan niya. Babawiin sa kanila ang bahay na tinitirahan nila, habang ang kanilang pera ay nawaldas ng kaniyang ina sa isang casino.
Naghahanda na ang The Comet para sa kanilang panibagong music video, at nahaharap si Nott sa isang desisyon: ibida sa music video ang pinapares sa kaniyang artista o panindigan ang kanilang pagiging musikero at hindi celebrity.
Sa huli, nanaig din ang kagustuhan ng management nila na i-focus sa ship ang kanilang music video, kung kaya kinakailangan na mag acting classes si Nott. Sa 'di inaasahang pagkakataon, ang acting class ay naging oportunidad para lalong mapalapit sa isa't-isa si Angie at Nott.
Dumating na ang kometa na siyang magdadala ng higit pang kamalasan para kay Angie. Pero panandalian muna niyang nakalimutan ito habang sabay niya itong tinitingnan kasama si Nott.
Patuloy na subaybayan ang One Night Steal, Lunes hanggang Huwebes, 11:30 p.m., sa GMA.