
Labing isang taon nang kasal sina Oyo Sotto at Kristine Hermosa. Ngayon ay mayroon na silang limang anak na sina Ondrea, Kristian Daniel, Kaleb, Marvin, at Vittorio Isaac.
Sa isang panayam kasama ang aktres at dating host ng Eat Bulaga na si Toni Gonzaga-Soriano, ibinahagi ng dalawa ang sikreto sa kanilang matibay na relasyon.
Ayon kina Oyo at Kristine, ang Panginoon ang sentro ng kanilang matatag na pagsasama.
“Kung wala si God, malamang 'di na kami umabot ng isang taon, malamang nagloko na ako, may anak sa ibang babae.
“Si God lang talaga. Kailangan siya yung sentro,” ani Oyo.
“Hindi naman araw-araw mahal mo yung asawa mo. Naniniwala talaga ako na ang love, hindi feelings. You shouldn't base it on feelings kasi nagbabago e,” dagdag pa niya.
Agad naman na sumang-ayon si Kristine sa sinabi ng asawa. Aniya, “Love is a decision naman talaga. It's a commitment. Hindi naman talaga everyday nakakatuwa 'yung ugali niya. It's a choice.
“Ang sa akin kasi, I shouldn't doubt God na ito 'yung taong binigay niya sa'kin. It's like questioning him kung nagreklamo ako. 'God, ikaw na ang bahala sa kanya. Basta ako, didiretso ako sa 'yo,'” pagpapatuloy pa ni Kristine.
Bukod dito, ikinuwento rin ng celebrity couple na na-engage sila kahit sila ay magkaibigan pa lamang at hindi pa pormal ang kanilang relasyon. Pero wala naman daw silang pinagsisisihan sa kanilang naging desisyon.
Ikinasal sina Oyo at Kristine taong 2011 at kamakailan lang ay idinaos nila ang kanilang 11th wedding anniversary.
Kasalukuyang napapanood si Oyo sa Kapuso sitcom na Daddy's Gurl tuwing Sabado, kasama si Maine Mendoza at ang kanyang ama na si Vic Sotto.
Samantala, silipin naman ang ilang larawan ng masayang pamilya nina Oyo at Kristine sa gallery na ito: