
Marami ang nagluluksa ngayon sa pagpanaw ng isa sa mga minamahal na beteranang aktres na si Gloria Romero.
Ang Queen of Philippine Cinema ay yumao noong Sabado (January 25). Inanunsyo muna ito ng Widows' War actress na si Lovely Rivero at kinumpirma ng pamilya ng beteranang aktres.
Mula sa mga kaibigang artista hanggang sa netizens, dumagsa ang mga nakikiramay at nagbigay ng kanilang madamdaming mensahe para kay Gloria at sa kaniyang pamilya. Marami rin ang bumisita sa burol nito kagaya ng mga kilalang celebrities na sina Boots Anson-Roa, Celia Rodriguez, Tirso Cruz III, Eric Quizon, Aiai Delas Alas, at Helen Gamboa Sotto.
Labis ang pasasalamat ng pamilya ni Gloria sa patuloy na ibinibigay na pagmamahal ng lahat para sa kanilang ina at lola. Ayon sa anak ni Gloria na si Maritess Gutierrez,"Maraming salamat po. Thank you everybody for loving my mom. For 70 years, she's been in the industry. Noong araw senior people (lang), pero ngayon mga bata na because of GMA binigyan siya ng (show na) Daig Kayo Ng Lola Ko. So ang lawak ng age gaps ng fans ni mama from matanda to children."
Ibinahagi rin ng apo ni Gloria na si Chris Gutierrez ang kaniyang paghanga sa kaniyang lola bilang isang propesyonal na aktres. "Until the last moment, she was still trying to give pa rin. My lola is such a skilled actress, nice person, she's always on time," pahayag ni Chris.
Sa kabila ng kaniyang pagpanaw, nananatiling buhay ang mga alaala ni Gloria sa kaniyang pamilya, at ramdam nila ang pagkukulang na dulot ng pagkawala nito.
"We're really close, I tell her everything. She tells me things na hindi maganda na dapat gawin , although may sarili naman akong character but hindi siya nagkukulang magbigay ng advice. Most of all I miss her, her jokes," emosyonal sinabi ni Maritess. "Just having her in her house is (nice), kasi tatlo lang kami. So we have fun in the house. Masaya kami."
Bukas ang burol ni Gloria Romero sa publiko ngayong Lunes at Martes, January 27-28, mula 9:00 a.m. hanggang 1:00 p.m. sa Arlington Memorial Chapel, Hall A, Araneta Avenue, Quezon City. Magkakaroon din ng nobena at misa para sa aktres.
SAMANTALA, BALIKAN ANG DAZZLING CAREER NI GLORIA ROMERO RITO: