
Walang masamang tinapay para sa mga bagong host ng Eat Bulaga ang pagdating ng Kapamilya noontime show na It's Showtime sa Kapuso channel na GTV.
Simula sa July 1, mapapanood na nang sabay sa Kapuso channels ang dalawang programa, ang Eat Bulaga sa GMA channel 7 habang ang It's Showtime naman ay sa GTV.
Hiningan naman ng GMANetwork.com ng reaksyon ang Eat Bulaga hosts na sina Paolo Contis, Buboy Villar, at Betong Sumaya tungkol dito.
Ayon kay Paolo, exciting ang bagong collaboration na ito ng GMA at ng ABS-CBN na mas lalong magbibigay kasiyahan sa mga manonood at oportunidad naman sa mga artista na makapag-guest sa dalawang programa.
Aniya, “Exciting 'yun kasi ang ano diyan 'yung mga viewers, 'di ba? Sinimulan na ng GMA at ABS-CBN ang collaborations, e, and this is a very big collaboration kasi noontime show na 'to. It opens up a lot of opportunities for other actors para makapag-guest doon at the same time para makapag-guest din dito.”
Dagdag pa ni Paolo, “'Yan naman ang main [goal] ni Mr. Gozon [GMA Network Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon] na makapag-entertain ng dire-diretso and this will be very new sa eyes ng mga Kapuso natin na napapanood nila ang It's Showtime.
Aminado naman si Paolo na magiging healthy competition ito para sa dalawang noontime show.
“That's nothing to do with competition, if I'll be honest about it, it is a competition. It will be a very healthy competition because you're basically under one roof,” sabi ng aktor.
Gaya ni Paolo, masaya rin si Betong sa pagkakaroon ng bagong tahanan ng It's Showtime sa GTV.
Aniya, “Dahil ang Showtime ay nasa GTV na, oh my goodness, welcome po sa Kapuso station and sobrang happy dahil isipin niyo nagsanib puwersa na kung baga e, at ang magbe-benefit talaga ay ang viewers natin kasi mas marami silang choices, mas maraming mapapasaya, mas maraming mananalo na papremyo so 'yun talaga.
“Sana ay magkrus ang mga landas natin sa mga susunod [na araw], 'di ba? And welcome It's Showtime sa GTV,” masayang sinabi ni Betong.
Para naman sa actor-comedian at host na si Buboy, isa pa sa magandang dulot ng pagdating ng Kapamilya noontime show sa GTV ay tuloy-tuloy na trabaho hindi lamang sa mga artista kung 'di pati na rin sa mga tao sa produksyon sa likod ng mga kamera.
“May mga trabaho sila lalo na 'yung mga nasa likod ng camera, 'yun po ang pinaka-importante po sa akin, hindi naman po 'yung mga artista na kasi sila kaya na po nilang kumita e, kaya na po nilang dumiskarte pa sa buhay pero 'yung mga nasa likod mo, 'yung mga sumusuporta sa artista, sila po 'yung dapat tingnan, hindi po kami,” saad ni Buboy.
Ayon naman sa tatlo, dapat asahan ng mga manonood ang marami pang mga sorpresa ng Eat Bulaga sa mga susunod na araw.
SILIPIN NAMAN ANG BAGONG YUGTO NG EAT BULAGA SA GALLERY NA ITO: