
Binalikan ng aktor na si Pen Medina ang naging paghahanda noon para sa 1999 award-winning film na Muro-ami.
Simula June 3, mapapanood na sa piling mga sinehan ang remastered version ng Muro-ami, na pinagbidahan ni Cesar Montano at idinirehe ng yumaong National Artist for Film and Broadcast Arts na si Marilou Diaz-Abaya.
Sa interview ng GMANetwork.com, ikinuwento ni Pen na nag-aral siyang lumangoy at mag-dive para sa kanyang role sa pelikula.
Sa Muro-ami, gumanap si Pen bilang Dado, ama ni Fredo (Cesar) at isang mangingisda.
"Doon ako tinuruan. Kasi kahit sa swimming pool hirap akong mag-dive, hindi ako umaabot sa ilalim. 'Yung mga eksena ko ng diving at saka swimming underwater, siguro one and a half months to two months bago ko ginawa, so marami akong time. Matagal kami roon, mahigit dalawang buwan yata. Natuto ako," kuwento ng aktor.
Ibinahagi rin ni Pen ang hindi niya malilimutang experience habang ginagawa ang Muro-ami.
"'Yung parang nagbabakasyon ako kasi dagat, ang linis nung dagat. Pag-diving ang daming maliliit na isda. Tapos pag-dive mo doon sa medyo malalim, 'yung school of fish, kumpol-kumpol sila, ilang beses kong na-experience 'yon. At saka 'yung corals ang ganda ng dagat."
Noong May 19, nagkaroon ng special screening para sa Muro-ami kung saan napanood ni Pen ang remastered version ng pelikula.
Pabirong sabi niya, "Ang gwapo ko pala noon... Nakita ko na pwede ko pang i-improve 'yung ginawa kong acting noon. Kasi noon nag-aala-tsamba lang ako, 2010 ako talaga nag-aral na ng acting."
Samantala, panoorin ang trailer para sa remastered version ng Muro-ami rito:
Related content: Cesar Montano, Jhong Hilario, and other stars grace Muro-ami Special Screening