
Matagal nawala ang dating dancer at aktres na si Pia Moran mula sa spotlight ng showbiz. Ayon sa kaniya, marami siyang pinagdaanang pagsubok noon at kinailangan magtago. Ngayon nagbabalik na ulit siya sa harap ng kamera, paano nga ba nalagpasan ng tinaguriang "Miss Body Language" ang mga pinagdaanan niyang pagsubok?
Sa latest episode ng Updated with Nelson Canlas podcast, binalikan ni Pia ang dahilan kung bakit siya huminto sa showbiz noon. Aniya, naging parte siya noon ng isang road accident, dahilan para masira ng kaunti ang kaniyang mukha.
Pag-alala ni Pia, “Sa East Avenue 'yan, may naaksidente akong tao. Namatay siya, matanda. Kasi tapos ako dito (sa pisngi, malapit sa bibig), nasira 'yung dito ko. Inano ko siya, dinala ko kaagad siya sa East Avenue (Medical Center).”
Kuwento ni Pia ay na-depress siya matapos maaksidente noong taong 1987 kaya't nagtago siya at nagpunta sa Japan.
“Sa akin, thankful naman ako. 'Yung aking attitude, eh, same pa rin ng dating nagtatrabaho ako nung araw. Nung nag-work ako dati as a model,” sabi niya.
Sinabi rin ni Pia na naging malaking tulong ang pagbabago niya ng kaniyang attitude at pagtanggal ng yabang at pagiging mainisin, para matanggal ang stress niya.
“Na-aksidente ako. Siguro kasalanan ko, Lord, patawarin n'yo na lang ako. Accept it ganun. Kailangan i-accept mo sa sarili mo at wala kang galit sa sarili mo [o] sa ibang tao,” sabi niya.
Ngunit ayon kay Pia, hindi lang iyon ang pagsubok na pinagdaanan niya dahil bukod sa nagkaroon din siya ng scandal noon at nalulong din siya sa mga bisyo.
“Lahat 'yun tinanggap ko, lahat ng pagkakamali ko. Hindi ko itinago. Kasi kung minahal ko 'yan at kinimkim ko siguro hindi ganito itsura ko,” sabi ni Pia.
Sinang-ayunan din ni Pia ang sinabi ni Nelson Canlas na “there is life after scandal,” at makaka-move on din mula sa mga pagkakamaling nagawa.
“Yes, kailangan tanggapin mo 'yung pagkakamali mo. And then, magbago ka. Kasi, siyempre, 'pag bata ka pa, nakakasama ka [ng] iba. Hindi ko inano sa ibang tao, 'yung pagkakamali ko, sinisi o nagalit ako. Kaya wala sa puso ko yung gano'n eh,” sabi ni Pia.
Payo pa niya, “Ano na rin sa akin yung pagkabata, yung pagka-edad kong ganito, yung be yourself, maging totoo ka, tanggalin mo lang yung mga vice at attitude mong hindi magaganda. Tanggalin mo na sa life mo.”
Pakinggan ang interview ni Pia dito:
Samantala, balikan ang celebrities na minsan na ring nasangkot sa car accident sa gallery na ito: