GMA Logo Boss Toyo sa KMJS
Celebrity Life

Pinoy Pawnstars owner na si Boss Toyo, paano nga ba nagsimula?

By Kristian Eric Javier
Published January 25, 2024 2:56 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Angelina Jolie bares mastectomy scars in magazine feature
'Puno Ng Puso Ang Paskong Pinoy' (2025 GMA Christmas Station ID Jingle) official audio released
4 entrapped in Mandaue City for land title scam

Article Inside Page


Showbiz News

Boss Toyo sa KMJS


Alamin ang kuwento ng Pinoy Pawnstar na si Boss Toyo rito:

Naging usap-usapan kamakailan lang ang pagbebenta ng dating child actor na si Jiro Manio ng kaniyang Gawad Urian trophy, gayundin ang jersey umano ng namayapang Pinoy rapper na si Francis Magalona sa Pinoy Pawnstars na pag-aari ni Boss Toyo. Pero paano nga ba nagsimula ang kaniyang negosyo?

Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, ibinahagi ni Boss Toyo o Jayson Jay Luzadas sa totoong buhay, kung papaano niya sinimulan ang kaniyang negosyong Pinoy Pawnstars kasama ang kaniyang partner na si Jhoy Maldo.

“Nakapanood ako sa abroad ng ganito [rin], 'i-try lang natin na bumili lang tayo, iba-buy and sell natin.' So namili na ako nang namili. Pinublish ko na siya sa Facebook at nag-open for public ako,” pagbabahagi niya.

Ayon kay Boss Toyo, galing sa mga kinita niya sa negosyo sa gold ang ginamit niyang pampuhunan dito.

Ngayon, aminado si Boss Toyo na maaari na niyang pagkakitaan ang mga nabili niya dahil marami na rin ang nag-aalok na bilhin ang ilan sa mga ito ngunit ayon sa kaniya ay hindi pa niya ibebenta ang mga ito.

“Kumbaga tanim lang po ako ng tanim sa ngayon. Pag-ani, madali na po 'yan, darating na tayo dun,” sabi niya.

Dagdag pa ni Boss Toyo, “Nakikita ko ito as investment, hindi ko nakikita ito as luho or what. In the near future, para rin sa mga anak ko 'to.”

Sa ngayon, ang importante sa kaniya ay naibibigay niya ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya na noon ay hindi niya magawa.

TINGNAN ANG CELEBRITY-RELATED ITEMS NA NAKOLEKTA NI BOSS TOYO SA GALLERY NA ITO:

Ngunit kahit matagumpay na siya sa negosyo ngayon, hindi rin naging madali ang pinagdaanan ni Boss Toyo para marating kung nasaan man siya ngayon. Ayon sa kaniya, lumaki siya sa hindi niya tunay na pamilya.

Pagbabahagi ni Boss Toyo, “Bata pa lang ako, nakatambay ako dun sa may nag-iinuman, tapos in-approach ako ng isa sa mga kapatid kong tunay na hindi ko pa alam na kapatid ko siya. Directly sinabi niya, 'kuya kita.'”

Simula noon ay tumatak na sa kaniyang isip ang nalaman at naisip na magtanong-tanong at alamin ang totoo.

“Buntis pa lang daw 'yung nanay ko, kinontrata na'ko na pag pinanganak ako, mapupunta ako dun,” pagbabahagi niya.

Aminado naman si Boss Toyo na naging malaki ang epekto sa kaniya nang malaman ang totoo at nalulong siya sa bawal na gamot.

“Nag-turn out to be an addict at an early age, benta lahat ng gamit, kupit dito, kuha ng gamit doon, pagnanakaw para may pangtustos sa bisyo,” pagbabahagi niya.

Dagdag pa ni Boss Toyo ay naging snatcher pa siya noon, para lang may pangtustos sa bisyo.

“Away, kukunin ko 'yung alahas, ilang beses na'ko nasaksak. Pag uwi ko, shorts na lang [ang suot] kasi binenta ko na,” sabi niya.

Ilang beses na rin umano nagpa-rehab si Boss Toyo ngunit ang nagpabago sa kaniya ay nang muntik na siyang mamatay dahil tatlong beses siya umano dinapuan ng dengue.

Naging malaking tulong din umano ang naging trabaho niya bilang isang delivery boy para sa kaniyang pagbabago. Pagbabahagi ni Boss Toyo, may nag-alok sa kaniya ng trabaho bilang isang delivery boy na P90 ang sahod.

“Magba-bike ka from 7am hanggang gabi, pagod na pagod ka nun. Dun na ako natuto, nagpahalaga na rin ako sa pera,” sabi niya.

Ngayon, aminado si Boss Toyo na nakikita niya ang sarili na struggling pa rin.

“Ganun kasi 'yung ginagawa kong drive sa sarili ko e, every day, laban,” pagbabahagi niya.

Nang tanungin naman siya kung ano ang maipapayo niya sa mga taong nag-iisip na patapon na ang kanilang buhay, ang sagot ni Boss Toyo, “Huwag kang magpapabulag kung ano 'yung nasa present, mas marami kang makikita sa future.”

“Ilabas mo 'yung sarili mo sa bilog mo na nakasanayan. Tumalikod ka na sa mga maling ginagawa, ang sunod dun, tamang landas na patungo sa kung saan mo gustong pumunta,” sabi niya.

Panoorin ang buong interview ni Boss Toyo rito: