
Tulad ng inaasahan ng karamihan, nag-tie ang mga aktres na sina Pokwang at Ruby Ruiz bilang Best Actress sa ika-22 na Cinemalaya Independent Film Festival.
Sabay na tinanggap nina Pokwang at Ruby ang parangal sa ginanap na Cinemalaya Awarding Ceremony kagabi, August 17, sa Shangri-La Plaza Mall, Mandaluyong City.
“Status accepted!”
Ito ang masayang inilahad ni Ruby, na kinilala para sa mahusay niyang pagganap sa pelikulang Status: Rejected.
Pagkatapos ay binati rin niya ang kapwa Best Actress na si Pokwang, na kinilala naman sa husay na ipinakita niya sa pelikulang 2 Valid IDs.
Sa kanyang acceptance speech, binigyang-diin ng batikang aktres ang kahalagahan ng Balangay award na ibinigay sa kanya.
Sabi ni Ruby, “Actually, wala akong prinepare [na speech] kasi alam ko ang Cinemalaya ay maraming surprises. Huwag kang masyadong maniniwala sa social media o anumang sabi-sabi dahil kakaiba ang Cinemalaya.
“Kaya kapag nabigyan ka ng Balangay, talagang pahalagahan mo dahil pinaghirapan ito, hindi siya nabibili, alam mo yung ganun? So, sobrang karangalan po yung makatanggap. Sabi nila, baka hindi na ako makatanggap dahil nakatanggap na ako dati. Bawat Balangay po ay pinaghihirapan ng artista. Of course, if we're recognized, talagang malaking pasasalamat po.”
Sa parte naman ni Pokwang, bukod sa pasasalamat sa pagkilala, nagpaabot din siya ng pasasalamat sa lahat ng mga nanood ng kanilang pelikula. Ang 2 Valid IDs at Status: Rejected ay mga nangungunang pelikula sa two-week run ng Cinemalaya.
Ani Pokwang, “Salamat po sa lahat ng mga nanood. Alam kong mahirap ang buhay ngayon, tipid-tipid, pero nandiyan kayo at sumuporta kayo. Pinatunayan n'yo na kaya ng Pilipino, kaya natin po, bangon industriya. Maraming salamat po!”
Sabi pa niya, “Sa lahat ng Sylvia, sa lahat ng mga Pilipinong may [pinagdadaanan] po, huwag kayong mawalan ng pag-asa, laban lang.”
Bukod kina Pokwang at Ruby, nag-tie din ang child actors na sina Lucas Andalio at KD Omalin bilang Best Supporting Actors. Si Lucas ang kabilang sa pelikulang Mag-iina, habang si KD ay bahagi ng Hand of God.
Nanalo naman si Martin del Rosario bilang Best Actor para sa kanyang pagganap sa pelikulang Tayo Lang ang Nakakaalam. Habang ang singer-actress na si Bituin Escalante ay nagwagi bilang Best Supporting Actress para sa pelikulang A.ni.mal.
Narito ang buong listahan ng mga nanalo:
Related gallery: Ruru Madrid, Pokwang, at iba pang Kapuso stars na bibida sa Cinemalaya 2026