
Sa paghain ni TiktoClock host at komedyanteng si Pokwang ng deportation complaint laban sa ex-boyfriend na si Lee O'Brian, sinabi niyang matagal niyang ipinagdasal ang araw na ito, na makakalaya na siya sa dating boyfriend.
“Pinagdadasal ko 'tong araw na 'to, sobrang pinagdasal ko tong araw na 'to. Gusto ko na ng kalayaan, 'yung alam ko na wala na siya dito,” sabi ni Pokwang sa interview niya kay Nelson Canlas sa "Chika Minute" para sa 24 Oras.
Nang tanungin si Pokwang kung ano ang nagbago sa pagitan nila ni Lee, na noon ay puro magaganda lang ang sinasabi ng aktres, ang sagot niya, “Kasi tina-try ko pa, baka sakaling magpakumbaba siya para dun sa bata.”
Pagpapatuloy nito, “Ayoko pang magsunog ng tulay, para dun sa bata pa rin. Pero tumatagal kasi, imbis na magpakumbaba siya, parang ako pa 'yung kailangan um-adjust sa kanya.”
Samantala, nang tanungin naman siya kung may nakita ba siyang mga “red flags” o mga hindi kanais nais na ugali noon kay Lee, sinabi niyang marami siyang nakita dito noon.
“Pero siyempre, bulag ka, nagmamahal ka e, so pinalampas ko lahat 'yun,” sabi nito.
Ikinwento rin ni Pokwang kung papaano siya muntik na makunan at isinugod pa sa ospital ng dalawang beses dahil sa galit niya kay Lee. Sinabi rin niya kung papaanong maluwag naman siya sa visitation rights ni Lee sa anak nilang si Malia, ngunit hindi naman ito naulit.
Samantala, ayon naman sa abugado ni Pokwang na si Rafael Vincente Calinisan, mayroon daw nilalabag na batas si Lee, at sinabing niloloko nito ang batas ng bansa.
“So, nagkunwari siyang turista pero ang ginagawa naman talaga niya, nag eempleyo o naghahanap ng trabaho dito sa ating bansa. Siyempre, ngayon na nagkasira sila ni Madam Pokwang sadly, e, it doesn't really make it right that he stays here,” pagpapaliwanag nito.
Bukas din ang GMANetwork.com sa magiging pahayag ni Lee ukol dito.
SAMANTALA, TIGNAN ANG TIMELINE NG NAGING RELASYON NILA POKWANG AT LEE SA GALLERY NA ITO: