
"Sa sobrang generous niya, may bago akong kotse sa labas."
Ito ang pabirong pahayag ng comedy actress na si Pokwang tungkol kay Vic Sotto, na halos paniwalaan na ng entertainment reporters na dumalo sa press conference ng Mission Unstapabol: The Don Identity noong Biyernes, December 13.
Nang tanungin kung totoo ito, natatawang hirit ni Pokwang, "Parating pa lang."
Seryosong dagdag niya, "Alam mo yung niyakap ka lang niya, yung sinabi niyang 'walang Kapamilya, walang Kapuso, lahat pantay,' yun pa lang [napakasaya] na ng puso ko. Matutuwa ka na. talaga kung paano ka nila tratuhin sa set.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nakatrabaho ni Pokwang ang Eat Bulaga pioneer na si Vic. Dati na silang nagkasama sa comedy film na Pak! Pak! My Dr. Kwak noong 2011.
Katulad noon, hindi raw nagbago ang maayos na pakikitungo ni Vic sa kanyang mga nakakatrabaho.
Pahayag ni Pokwang, "Yung unang movie ko with Bossing, talagang yung embrace nila sa akin, yung pagtanggap bilang Kapamilya.
"Masaya yung pagtrato, akala mo yung ang tagal-tagal na naming magkatrabaho.
"Ngayon, sa Unstapabol, talaga namang mas lalo ngayon. Parang na-miss namin ang isa't isa. Spoiled kami, yung schedule namin super ang pag-adjust nila sa amin,
"Yung pag-unawa, talagang lahat ng adjustment ginagawa nila.
"Minsan nahihiya na nga kami kasi, siyempre, kailangan nating magtulungan, di ba? Pagkain, ganyan lahat, pak, spoiled kami, sobra!"
Halos ganito rin ang naging pahayag ni Jake Cuenca, na bahagi rin ng pelikulang Mission Unstapabol.
Sa katunayan, spoiled daw sila sa set habang ginagawa ang pelikula.
"Yung set ng APT, sobrang ayos, sobrang kumportable namin sa set na pakiramdam ko nga para kaming spoiled.
"Kinuha ko rin yung mga oportunidad na makaeksena lahat kasi sa TV hindi namin nagagawa.
"So sa pelikulang ito, sinavor ko ang moments na makaeksena sila--kay Maine, kay Bossing, kay Wally, at kay Jose.
"Pagdating kay Bossing, bilang artista, ang dami ko ring natutunan sa kanya just by watching.
"Isa talaga siyang leader sa set. Marami kang matututunan just by watching him, kung paano niya dinadala yung mga tao around him, nakaka-inspire din."
Vic Sotto, siguradong ninong sa future wedding ni Maine Mendoza
Samantala, nagpasalamat si Vic sa magagandang salita nina Pokwang at Jake tungkol sa kanila.
Ayon kay Vic, natutunan lang daw niya ang magandang pakikisama sa mga nakakatrabaho sa kaibigan at kilalang producer ng Eat Bulaga, si Tony Tuviera.
Si Tony ang owner at chairman ng APT Entertainment Inc., na co-producer ni Vic sa Mission Unstapabol.
Sabi ni Vic, "Ako'y mana lang sa kumpare kong si Tony Tuviera. Yun ang talaga ang nang-i-spoil, talagang magaling makisama.
"Yun ang natutunan ko kay Boss Tony, na kahit sino ka, kahit ano estado mo sa buhay, kailangan marunong kang makisama, pantay-pantay ang tingin."
Mapapanood ang Mission Unstapabol: The Don Identity simula ngayong Pasko sa mga sinehan sa buong bansa.