
Masayang sinabi ng comedienne-actress na si Pokwang sa Fast Talk with Boy Abunda na hindi niya isinasarado ang kaniyang puso sa bagong pag-ibig.
Ngayong Biyernes, June 14, game na nakipagkuwentuhan si Pokwang at ang kaniyang co-host sa TiktoClock na si Kuya Kim Atienza sa King of Talk na si Boy Abunda.
Sa kanilang panayam, tinanong ni Boy si Pokwang tungkol sa kasalukuyang lagay ng kaniyang puso.
Matatandaan na noong Abril, umalis na sa bansa ang ex-partner ni Pokwang na si Lee O'Brian matapos panigan ng Bureau of Immigration ang deportation case na isinampa ng Kapuso comedienne laban dito.
“Ano ba ang lagay [ng puso mo]? Naglagay ka na ba ng kandado diyan para sa bagong pag-ibig?” tanong ni Boy kay Pokwang.
Pero bago pa makasagot si Pokwang, may birong hirit naman si Kuya Kim, “Teka muna Boy, bago mo ituloy ang pagtatanong mo, mag-ingat ka baka ma-deport ka.”
Napahiyaw naman sa tawa sina Pokwang at Boy sa banat ni Kuya Kim, pero tugon ng una, “Ang puso ko naman talaga ay bukas sa pagmamahal.”
Paliwanag niya, “'Di ba sabi mo nga dati Tito Boy nag-usap tayo sa isang programa mo, tinanong mo ako, 'What is love?' Ang sabi ko, 'God is love.'”
Dagdag pa niya, “So dapat hindi tayo nagsasara ng love…ibig sabihin parang nagsara ka rin kay God.”
Ayon pa kay Pokwang maayos ang lagay niya ngayon at natanggap niya na ang lahat nang nangyari sa kaniyang past.
Aniya, “Okay ako ngayon Tito Boy, wala akong stress.”
Biro pa ni Pokwang, “Ngayon, tanggap na tanggap ko na na ako na talaga ang magbabayad ng tuition. Dati kasi para kang umaasa sa wala, ngayon na wala na, e, 'di okay.”
RELATED GALLERY: Celebrity breakup: Pokwang and Lee O'Brian