
Nakalabas na ng ospital ang bunsong anak nina Pops Fernandez at Martin Nievera na si Ram matapos ang isang health scare.
Sa Instagram post ng Concert Queen noong May 30, nagpasalamat si Pops sa mga doktor at nurse sa St. Luke's Medical Center Global City na nag-alaga kay Ram at sa mga nagdasal para sa mabilis na paggaling ng kanyang anak.
Hindi nagbigay ng detalye si Pops tungkol sa kondisyon ng kalusugan ni Ram pero, batay sa kanyang post, dinala ito sa emergency room bago na-admit ito sa coronary care unit (CCU) ng nasabing ospital.
Ang CCU o cardiac intensive care unit ay isang ward sa ospital kung saan binibigyan ng specialized treatment ang mga pasyenteng dumadanas ng heart attack, unstable angina, cardiac dysrhythmia, at iba pang cardiac conditions.
Sa kanyang parte, nagpahayag din ng pasasalamat si Martin via Instagram sa medical team na nag-asikaso kay Ram nang ma-admit ito sa ospital. Nagpasalamat din ang sikat na mang-aawit sa panganay niyang si Robin na tinawag niyang "hero."
Sa parehong post, masaya ring ibinahagi ni Martin na malapit nang gumaling si Ram mula sa kanyang karamdaman.
Sulat ni Martin sa isang parte ng caption, "Ram is on his way to a complete recovery and is himself again. Thank you Lord God for your protection. God truly is Good All the time!"
Matagal nang hiwalay sina Pops at Martin pero nananatili pa rin silang magkaibigan para sa kanilang mga anak.
Narito ang iba pang celebrity ex-couples na nanatiling maayos ang pakikitungo sa isa't isa