
Simula nang maghiwalay ang Concert King at Queen na sina Martin Nievera at Pops Fernandez, marami pa ring netizens ang umaasa na magkabalikan sila o kaya naman makahanap ng bagong pag-ibig.
Sa isang panayam kay Aiko Melendez, ikinuwento ni Pops ang mga pagsubok na dinaanan niya tungkol sa kanyang love life, matapos ang annulment ng kanilang kasal.
Inamin ni Pops na may mga pagkakataon na naramdaman niyang nape-pressure siya at naghanap ng bagong relasyon dahil sa mga opinyon ng ibang tao.
"There was a time nape-pressure na ako and there was a time I was really parang I felt I was searching," ani Pops. "Then I said, 'Nakakapagod naman 'yun.' The more I search, the more I look, the more parang hindi nagwo-work."
Nang mapansin niyang hindi matagumpay ang mga relasyon na pinasok niya, naisip ni Pops na marahil hindi ito ang plano ng Diyos para sa kanya. Kaya't pinili niyang mag-focus na lamang sa pag-aalaga sa kanyang mga anak bilang bawi sa mga pagkakataong hindi niya sila natutukan dahil sa kanyang trabaho.
Pagdating naman sa kanilang relasyon ni Martin, nilinaw ni Pops na mas inuuna nilang mag-focus sa kanilang mga karera at manatiling magkaibigan.
"Conscious rin naman kami ni Martin na hindi namin pinapalabas na kami pa rin [or] magkakabalikan kami. Wala naman siguro kaming pinapalabas na ganoon, which is very important for us. We don't want to fool also our audience," pahayag ni Pops.
Sinabi rin ni Pops na isa sa mga dahilan kung bakit marami pa rin ang kinikilig sa kanila bilang Concert King at Queen ay ang kanilang “good chemistry” sa entablado.
"Because before we even thought of falling in love with each other, talagang meron na yata kaming chemistry. It is what everybody saw on screen that we never knew existed," dagdag pa niya.
Kwento ng singer-actress, tila may mahika raw sa tuwing kumakanta sila ni Martin sa harap ng mga tao. Kahit may mga hindi pagkakaunawaan sila off stage, nagagawa pa rin nilang mag-enjoy at mag-perform ng magkasama.
Bilang pagtatapos, nilinaw muli ni Pops na propesyonal lang ang kanilang relasyon ngayon. Masaya rin sila sa pagtulong at pagsuporta sa kanilang dalawang anak na sina Robin at Ram at sa kanilang bagong apo.
Ikinasal sina Martin at Pops noong 1986 at naghiwalay noong 2000. Sa kabila ng lahat, nagpatuloy ang kanilang magandang pagkakaibigan pagkatapos nilang magkabati para sa kanilang mga anak.
Samantala, tingnan ang iba pang celebrities na mas piniling maghiwalay o divorce: