
“Nag-e-enjoy po talaga ako sa showbiz.”
Ito ang pahayag ni Rabiya Mateo nang tanungin tungkol sa mga naging karanasan niya sa show business, mahigit isang taon matapos siyang magsimula rito.
Inamin ng Tiktoclock host na dahil sa showbiz, naging mas maginhawa ang buhay niya at ng kanyang pamilya.
“Kasi, aminin na po natin, iba po kasi talaga yung ginhawang nabibigay niya sa buhay ko. I'm really appreciative about this na, 'Oh my God, ito talaga ang suweldo ko?!' Minsan nga po, hindi ko muna kinukuha sa GMA, iniipon ko muna para kapag nakita ko, 'Oh, wow!'”
Pagdating sa trabaho, aminado ang 2020 Miss Universe Philippines na marami pa siyang dapat i-improve bilang host at lalung-lalo na sa bilang aktres.
Ani Rabiya, “Sa trabaho naman po, hindi naman ako perfect. Noong nag-umpisa po ako sa hosting, alam ko po na ang dami ko pang kailangan i-improve. Pero the good thing with GMA, parang they allow me to be a beginner. Parang they allow me to be, 'Okay, bago ka pa lang pero you need to do a lot of trainings a lot of sessions for you to improve. At hindi puwede na ganyan ka lang, kailangan mong gumaling.' So, that's a challenge.”
Dagdag pa niya, “I think, nag-improve na rin po [ako sa hosting]. Dati kasi iniisip ko kapag gumawa ako ng mga kalokohan doon, maba-bash ako, sasabihin ako, 'Beauty queen ka pero parang di naman queenly 'yan or hindi naman graceful.'
“Pero ngayon, parang I killed that voice in my head, na parang, 'No, hindi na ako beauty queen ngayon.' Hindi naman ako forever naging beauty queen. I have this quirky side of me and ngayon, puwede ko na siyang malabas. Kung may mangdya-judge man, I'm sure mas maraming matutuwa sa akin.”
Samantala, umaasa si Rabiya na matuloy ang isang acting project na in-offer sa kanya ngayong taon.
“Sana po talaga. Pinagdarasal ko po talaga yun,” sambit ng 26-year-old Pinay beauty queen.
“Nag-a-acting workshop din po ako kasi alam ko naman po na noong sumalang ako sa KMJS “Gabi ng Lagim...” Wala talaga akong experience doon. Noong sinabi ni Direk na, 'O, sisigaw ka nang mala-Kris Aquino, ha,' sigaw lang po talaga ako nang sigaw. All-out po talaga.
“Parang na-enjoy ko po ang acting pero parang hirap pa rin po talaga ako sa drama. Siyempre, bilang aktres, hindi ko naman pwedeng sabihin na, 'Direk, pasigawin n'yo lang po ako, yun lang po ang kaya ko.'”
Bukod sa Kapuso Mo, Jessica Soho, gumanap na rin si Rabiya bilang kanyang sarili nang ma-feature ang istorya ng kanyang buhay sa episode na “Basta Ilongga, Guwapa” ng #MPK (Magpakailanman). Naging bahagi rin siya ng second season ng drama fantasy series na Agimat ng Agila.
Dahil sa sunud-sunod na trabaho, umaasa si Rabiya na magtagal pa sa industriyang ito.
“Dati po, ang binigay ko lang talaga is three years. Pero siyempre, kapag nakapasok ka na, hindi ka na rin makakawala kasi napamahal ka na sa craft. Ako po, one year pa lang ako, pero I love what I do and I'm learning. Parang palaging bago, so sana tumagal,” pagtatapos niya.
TINGNAN SI RABIYA SA PAGGANAP NIYA SA #MPK SA GALLERY NA ITO: