
Kapansin-pansin sa mga unang episode ng Royal Blood ang magandang on-screen chemistry ng bida nitong si Dingdong Dantes at ng baguhang aktres na si Rabiya Mateo.
Tila hindi aakalain na sobrang na-starstruck si Miss Universe Philippines 2020 sa Kapuso Primetime King nang una silang magkaeksena. Ito ang ibinahagi ng beauty queen-turned-actress sa GMANetwork.com at iba pang entertainment media sa LVNA jewelry store opening kamakailan.
“Na-starstruck ako. Yung first scene namin ni Kuya Dong, talagang hindi ako makatingin sa kanya because he's so good-looking, pogi talaga si Kuya Dong.
“Naaalala ko dati, yung batang Rabiya napapanood lang ito sa TV, ngayon nakakasama ko na siya. I have to like digest the thought na I'm working with him.”
Bilang co-actor, napaka-supportive daw ni Dingdong sa katulad ni Rabiya na baguhan pa lamang sa pag-arte.
Lagi raw siyang sinasabihan ng aktor na, “'Don't be shy. Kung may gusto kang gawin, may gusto kang baguhin, just let me know. We're gonna work on this together.'
“Yun naman ang gusto ko sa kanya, he allows me to be better. Yung iba kasi parang baguhan ka and you messed up, that's it, you're a bad actress. Pero si Kuya Dong, he would share his experience that will inspire me to start with somewhere else.”
Panoorin ang unang eksena nina Napoy (Dingdong) at Tasha (Rabiya) sa Royal Blood:
Samantala, labis ang tuwa ni Rabiya na napabilang siya sa bagong murder-mystery series ng GMA Telebabad.
“It's a privilege talaga,” sabi ng 26-year-old actress.
“Every time I look at my co-stars, napapaisip ako na, 'Wow, grabe! Bakit ako nandito?' Kasi sometimes, parang acting wise, ang dami na nilang nagawa, ang dami na nilang napatunayan.
“Pero the pressure gives me the fire inside to really be passionate about acting. Hindi ko na siya nakikita as a money-making job, but I really wanna do it. I wanna create yung art of reality sa mga manonood.”
Kaugnay nito, inamin ni Rabiya na marami pa siyang dapat matutunan sa trabahong ito.
Pahayag niya, “Hanggang ngayon po, I still have guidance from my acting coach. Kasi, hindi ko naman masasabi na after five taping days I'm better. But my goal is to be better than the last time, to really be real, na hindi ko na siya ina-act out.”
Mabuti na lamang daw at may pagkakahawig siya sa karakter na kanyang ginagampanan.
Ani Rabiya, “Parang yung character ni Tasha, yung character na gagampanan ko, it's in me. Kasi, si Tasha, babaeng bakla siya and she would do everything for the man that she loves, even sacrificing her time, her life, her dreams, mabigay lang yung care, yung love, sa taong mahal niya. So, yung love na yun, mabe-break ba siya no'n, can it lead to obsession, can it lead to something else? Let's see.”
Bagamat abala na siya sa kanyang bagong teleserye, hindi naman binibitawan ni Rabiya ang isa pa niyang show, ang daytime variety show na Tiktoclock. Sa katunayan, nagpapasalamat siya sa GMA Network dahil napagbibigyan siyang maging bahagi pa rin ng programa habang ginagawa ang Royal Blood.
“I'm so blessed na yung management ko, they understand and they support my growth sa anumang path na gusto ko,” sabi ni Rabiya.
Sa huli, sinabi niya na malaki ang pasasalamat niya dahil abalang-abala siya sa mga trabaho.
“I'm so busy, pero I'm so blessed,” aniya.
“Sabi ko nga, 'Hindi ako magrereklamo, Lord, kung napapagod ako ngayon, kung sumasakit ang paa ko ngayon, kung hilong-hilo na ako ngayon, because this is a blessing at hindi ko alam kung kalian ako ulit magiging ganito ka-blessed.”
KILALANIN ANG IBANG CO-ACTORS NI RABIYA SA ROYAL BLOOD DITO: