
Walang masamang tinapay para sa Asawa Ng Asawa Ko actor na si Rayver Cruz pagdating sa kaniyang mga ex-girlfriends. Ito ang kaniyang nilinaw sa panayam sa kaniya sa Fast Talk with Boy Abunda kamakailan.
Sa kaniyang naging muling pagbisita sa naturang programa, tinanong ng batikang TV host na si Boy Abunda ang aktor kung kumusta sila ng mga naging kasintahan niya gaya nina Cristine Reyes at Janine Gutierrez.
Sagot ni Rayver, “Hindi na kami nagkakausap Tito Boy pero 'pag nagkikita naman kami…wala namang problema. Ako pa mismo ang lalapit at babati.”
“E, si Janine [Gutierrez]?” sunod na tanong ni Boy.
“Sa kanilang lahat. Babatiin ko sila, wala namang problema,” nakangiting tugon ni Rayver.
Sa nasabing interview, ikinuwento rin ni Rayver ang strong and sweet relationship nila ng kaniyang kasintahan ngayon na si Julie Anne San Jose.
Samantala, habang bumibida bilang si Jordan sa Asawa Ng Asawa Ko, mapapanood na rin muli si Rayver bilang host ng The Clash 2024, kung saan kasama niya rin muli si Julie.
Balik coaching duty na rin si Julie sa The Voice Kids kasama naman sina Billy Crawford, Stell, at Pablo. Mapapanood ang The Clash 2024 sa September 14, at ang The Voice Kids naman sa September 15.
RELATED GALLERY: LOOK: Rayver Cruz's 'pogi' photos that will make you 'kilig'