
Isang malaking karangalan para kay Rayver Cruz na ma-train sa billiards ng 2022 SEA Games 9-Ball Gold Medalist na si Johann Chua para sa seryeng Bolera.
Isa si Johann sa game designers at coaches ng cast ng Bolera.
Sa podcast na Updated with Nelson Canlas, ikinuwento ng aktor ang proud moments na maturuan ng billiards champion.
"Oo grabe, SEA Games lang naman gold medalist. Siguro mas naintindihan ko 'yung game, mas napamahal ako lalo ro'n sa game and mas na-enjoy ko lalo," sabi ni Rayver.
"Ano siya challenging din, hindi naman siya basta maipasok mo lang 'yung bola. Like mahirap din pala 'yun, hindi biro 'yung ginagawa ng mga players natin. Nakaka-proud kasi pagka-Pilipino talaga kinatatakutan talaga sa billiards."
Ayon kay Rayver, noong una ay si Johann ang naging double niya sa mahihirap na shots sa billiards.
"Grabe. 'Tsaka 'yung maturuan ka niya like syempre alam naman natin lahat na si Johann 'yung dumo-double sa akin kasi 'yung mga sobrang hirap talaga na shots siya talaga 'yung gagawa kasi there's no way na magagawa ko 'yun.
"Pero eventually nu'ng... gradually nu'ng tumatagal na 'yung lock-in, 'yung show, siya na mismo 'yung magsasabi na 'Ay si Rayver na magju-jumpshot niyan, ay si Rayver na gagawa niyan.' Kasi naturuan na niya ako tapos may tiwala na siya sa akin," kuwento ng aktor.
Bukod kay Rayver, isa rin sa natuto ng billiards ay si Kapuso lead actress Kylie Padilla, na sumailalim din sa training nina Johann at billiards master Geona Gregorio.
"Si Kylie talaga 'yung gumaling, at saka inaral niya na kaliwete. Kahit na sanay siya sa kanan, inaral niya 'yung paglalaro ng billiards kaliwete. Hanggang ngayon du'n na rin siya sanay. Tapos siya 'yung gumaling talaga kasi minsan 'pag naglalaro kami tinatalo niya kami. Magaling na talaga siya, alam niya na 'yung mga gagawin," pagbabahagi ni Rayver.
Patuloy na subaybayan si Rayver bilang Miguel "El Salvador" sa huling tatlong linggo ng Bolera, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.
KILALANIN ANG IBA PANG CAST NG BOLERA RITO: