
Bumuhos ang emosyon ng Kapuso actress Kim Domingo sa kanyang Instagram New Year's post kung saan binalikan niya ang mga nangyari sa kanya noong 2019.
MUST-READ: Kim Domingo, titigil na nga ba sa pagpapa-sexy?
Bukod sa pasasalamat niya sa mga natanggap na blessing, binigyan-diin niya sa kanyang Instagram post ang malaking pagbabago sa kanyang buhay matapos siyang mag-desisyon na magpalit ng image.
Paliwanag ng Bubble Gang comedian, “Una sa lahat, gusto kong magpasalamat sa mga biyayang natanggap ko nung 2019. 'Yung mga biyaya na mas madami pa sa inaasahan ko. Gusto ko din mag "thank you" sa mga taong hanggang ngayon [ay] sumusuporta sa 'kin, nagmamahal. Kahit medyo nagbalot-balot na'ko andyan pa din.
“Kayo ang patunay na hindi pisikal ang inyong minahal sa akin kundi kung ano talaga ako. Salamat din sa respeto.”
Dagdag ni Kim na masarap sa pakiramdam na mas maraming tao na “rumerespeto” sa kanya ngayong iniwan na niya ang pagpapa-sexy.
“...Ganito pala ang pakiramdam kapag mas madami na ang taong rumirespeto kesa bumabastos sa'yo. Mas masarap pa kesa sa feeling ko noon nung mga panahon na pinagpipyestahan ako ng mga tao dahil sa pisikal na naipapakita ko sa madla.
“Pero gusto ko din mag "thank you" sa mga taong 'yun dahil kung hindi din dahil sa kanila walang Kim Domingo.”
May maganda ding balita si Kim sa mga fans niya, dahil malapit na din niyang pasukin ang mundo ng vlogging with her own YouTube channel.
Aniya, “Kulang ang salitang "thank you" sa inyong lahat. Ang mga taong nagmamahal at sumusuporta sa'kin hanggang ngayon ay maituturing kong malaking biyaya. Isa kayo sa aking inspirasyon para pagbutihin ko pa ang aking mga ginagawa.
“Sana samahan n'yo pa din ako sa panibagong taon na naman ng aking buhay. Mahal ko kayong lahat. ️ Ang dami din nagre-request na mag vlog na ako. And I'm happy to announce na soon mapapanood nyo na ang aking first vlog!️ SUBSCRIBE na sa aking YouTube Channel."
Ilang celebrities naman ang nag-bigay suporta sa Bubble Gang star matapos mabasa ang post niya tulad na lang ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera.