
Pasko na nga talaga sa Regal Studio Presents!
Hatid kasi ng weekend anthology series ang tatlong bago at Christmas-themed episodes ngayong December.
Magbubukas ang buwan ng December sa drama special na "Myra's Miracle," sa December 5.
Kuwento ito ni Myra (Claire Castro), isang ulirang anak na naniniwala pa rin sa miracles kahit na hirap sa buhay.
Masusubukan ang tatag at pananamapalataya ni Myra nang mapalayas sila ng kanyang ama sa inuupahang apartment kung kailan malapit nang mag-Pasko.
Anong miracle kaya ang naghihintay para kay Myra?
Huwag din palampasin ang drama fantasy na "Ethan's Return" sa December 12.
Puro bad memories ang dala ng Pasko para kay Grace (Thea Tolentino). Mismong bisperas ng Pasko kasi naaksidente at namatay ang kanyang childhood sweetheart na si Ethan (Joaquin Domagoso).
Matapos ang sampung taon, sa 'di maipaliwang na pangyayari, magbabalik si Ethan sa bisperas ng Pasko. At tila nanatili siyang 17 years old, ang kanyang edad noong una silang nagkakilala ni Grace.
Ano ang magiging reaksiyon dito ni Grace, lalo at at ikakasal na siya kay Clark (Jolo Estrada), ang best friend ni Ethan na naging katuwang niya sa pagluluksa 10 years ago?
Romantic comedy naman na "Your House, My Home" ang mapapanood sa December 19.
Sa pag-uwi ng overseas Filipino worker o OFW na si Jarvis (Ken Chan), maaabutan niyang may iba nang nakatira sa kanyang tahanan!
Ipapaliwang ni Ellie (Rita Daniela) na tatlong taon na silang nakatira ng kanyang pamilya sa bahay na iyon. Nagpakilala bilang caretaker ng bahay ang dati nilang katransaksiyon sa bahay pero hindi na ito mahanap ngayon.
Dahil malapit nang mag-Pasko, makikiusap si Ellie kay Jarvis na huwag muna silang paalisin sa bahay.
Maayos kaya nila ang isyu ng bahay or may ibang mamumuo sa pagsasama nila ngayong Pasko?
Muli namang mapapanood ang hit mermaid fantasy episode na "Raya Sirena" sa December 26.
Dahil sa isang sumpa, magiging sirena ang spoiled Gen Z girl na si Raya (Sofia Pablo).
Susubukan niyang itago ang kanyang kundisyon sa tulong ni Gavin (Allen Ansay), ang anak ng caretaker sa kanilang resort.
Pero kakalat din sa social media na naging sirena si Raya dahil sa influencer boyfriend niyang si Josh (Bruce Roeland).
Huwag palampasin ang Christmas episodes ng weekend anthology series na Regal Studio Presents, every Sunday ng December, 4:35 pm sa GMA.