Showbiz News

Jerald Napoles, hindi jowable, ayon sa GF na si Kim Molina

By Nherz Almo

Aminado si Kim Molina na hindi maituturing na “jowable” ang longtime boyfriend niyang si Jerald Napoles.

Sa press conference ng pelikulang pagsasamahan nilang dalawa, ang Jowable, noong Biyernes, September 13, tinanong si Kim kung masasabi niyang “jowable” ang Kapuso comedian.

Humagikhik ang 28-year-old actress at sinabi, “Yung totoo? Sige na nga, magpakatotoo tayo rito. Gusto n'yo ng ganun, ha. Hindi.”

Sabay harap si Kim sa boyfriend niyang si Jerald at sinabi, “Sorry.”

Nakangiti namang sumagot ang dating Love You Two actor, “Okay lang.”

Pagkatapos, ikinuwento ni Kim kung paano nagsimula ang kanilang relasyon, na itinago nila sa publiko sa loob ng limang taon.

“Kasi, noong unang beses ko siyang nakita… Sige, magkuwentuhan po tayo rito, 'no? Bukas nasa dyaryo na, okay lang.

“Kaka-break ko lang po sa boyfriend ko noon.

“After ng breakup namin ng boyfriend ko, parang ayaw ko munang mag-jowa.

“Pero naging crush ko na siya. Gusto ko po kasi 'yung mga ganung hitsura, mga pa-bad boy.

“Ayaw ko po ng parang mukhang malinis.”

Sa puntong ito, sumingit ang 36-year-old actor para magkomento, “Pinapadumi mo ako.”

Humingi ng paumanhin sa kanya ang girlfriend.

Sa pagpapatuloy ng kuwento ni Kim, nabanggit niya na nagsimula ang kanilang relasyon nang magsama sila sa hit musical na Rak of Aegis, kung saan ginampanan nila ang mga bidang karakter na sina Aileen at Tolits.

“Nag-start po sa tuksuhan kasi 'Kimerald' kami sa Rak of Aegis, 'tapos kinikilig 'yung mga tao.

“E 'di, sinakyan namin. Hanggang sa nagkatotoo, landi-landi, ganun.

“Hanggang sa sinakyan ko po 'yung joke.

“Sa biruan lang po talaga nagsimula, may 'Kimerald,' 'yun ang tawag sa amin.

“E, ako naman, bata po ako noon, batang marupok.

“Hindi, seryoso, bata pa po ako noon, hindi ko alam 'yung mga ganyan.

“Kasi, galing ako sa Saudi, na isa pa lang ang naging boyfriend ko, so kinikilig ako.

“Hindi ko alam na, hala, nagiging totoo na pala 'yung kilig ko.

“E, twice a day kami nagiging Aileen at Tolits, so kinikilig ako nang totoo sa panliligaw niya.”

Sa parte naman ni Jerald, mas pabor daw sa kanilang dalawa ni Kim na sa ganitong paraan nagsimula ang kanilang relasyon.

Kuwento niya, “Ano lang, noong panahon na 'yon, kaka-break ko lang din sa ex-girlfriend ko.

“'Tapos, alam mo 'yong sinasakyan mo lang muna kung ano 'yung mangyayari.

“'Tapos, nagkahulihan kami ng toyo sa ulo.

“We started becoming not just as partners but as best friends.

“Maganda kasi naghahanapan kayo palagi.

“At saka kapag nag-aaway kayo, gusto mong ayusin kaagad kasi nga sayang 'yung bond ninyong dalawa as friends and best friends.”

Samantala, sa kabila ng hindi pagiging “jowable” ni Jerald pagdating sa pisikal na kaanyuan, proud naman si Kim sa kanyang boyfriend dahil sa husay nito hindi lamang sa pagiging komedyante.

Buong-pusong inihayag ni Kim sa press conference, “Jerald is very smart.”

Paliwanag niya, “He is one of the few people I could talk to hanggang umaga.

“Kasi ako, madaldal po ako, nerd po talaga ako.

“Nakilala po ako ng mga tao na bubbly, minsan shoshongek-shongek minsan sa mga roles ko.

“But hindi po, as a person, I was very studious noong nasa school po ako, 'tapos siya nerdy.

“So, may mga topics po kami na napapahaba naming, may mga usapan kami na umaabot na hanggang umaga.

“Doon po kami talaga nag-jive talaga.”

Sa huli, sinabi muli ni Kim, “Paulit-ulit ko pong sasabihin, Jerald Napoles is one of the intelligent comedians in this country. And I am proud of him.

“Hopefully, makita po ng mga tao kung gaano siya katalino.”