Showbiz News

Sanya Lopez, may hugot sa love life habang naglalaro ng trivia game

By Marah Ruiz

Nagtipon ang Encantadia stars na sina Kylie Padilla, Gabbi Garcia, Sanya Lopez, Mikee Quintos, at Ruru Madrid sa Kapuso ArtisTambayan kahapon, June 25.

Si Yasser Marta ang nagsilbing host ng online tambayan.

Isa sa una nilang ginawa ay ang paglalaban-laban sa isang Pinoy trivia game.

Sa simula pa lang, ipinamalas na ni Sanya ang kanyang kaalaman, mula sa mga pagkaing Pilipino hanggang sa iba't ibang pamahiin sa bansa.

"Sa mga pamahiin, magiging single ka habang buhay kapag ginawa mo ito habang nagluluto," ang isang tanong sa kanilang game.

Ang sagot ay "kumanta" at si Sanya lang ang nakakakuha ng tamang sagot.

"Hala si Sanya, alam. Nagluluto kasi," ani Gabbi.

"Ang galing mo Sanya! Paano mo nalaman 'yun?" namamangha namang tanong ni Mikee.

Ipinaliwanag naman ni Sanya na marami siyang alam na pamahiin dahil lumaki siya sa probinsya.

"'Yung lola ko saka 'yung mga tita ko mahilig sa pamahiin. Kapag kumakanta 'ko before habang nagluluto, sabi nila huwag. Baka habang buhay kang hindi magkaroon ng asawa," bahagi niya.

Hindi naman niya napigilang humugot tungkol sa kanyang love life.

"Feeling ko tuloy medyo nagiging sumpa na siya! Hanggang ngayon single pa rin ako," natatawang pahayag ni Sanya.

Inamo at sinuportahan naman siya ng host na si Yasser.

"Basta naman masarap ang luto mo, Sanya. Sabi nga nila, the way to a man's heart is through his stomach," sabi ng aktor.

Gayunpaman, si Sanya ang nanaig bilang champion sa laro matapos magtala ng nine points. Tig-anim na puntos sina Kylie at Ruru, five points si Gabbi, at four points naman si Mikee.

Panoorin ang tapatan nila sa Pinoy trivia game sa video na ito mula sa katatapos lang nilang ArtisTambayan.