Showbiz News

EXCLUSIVE: Buboy Villar, nagsalita na tungkol sa paghihiwalay nila ni Angillyn Gorens

By Cherry Sun

Nagsalita na si Buboy Villar upang bigyang-linaw ang hiwalayan nila ni Angillyn Gorens.

Idinetalye ni Buboy ang nangyari sa kanilang relasyon ni Angillyn sa panayam ng GMANetwork.com sa aktor.

Aniya, “Actually po, two years na po kasi kaming wala rin talaga 'no so nag-decide lang po talaga kaming dalawa 'no. Although marami nga nagtatanong at nag-e-expect pa rin po 'yung ibang tao na kami. Siguro dapat talagang malaman din ng iba kasi nga ayaw ko rin naman na parang ma-stress nga si Angillyn kasi nga ang daming nagtatanong, although hindi naman din siya masyadong ma-social [media] kasi nga ganun nga 'yung parang buhay niya doon. Parang lagi siyang nagtatrabaho. So nag-decide kami na sabihin sa public.”

Naudlot man ang kanilang pag-iibigan, nananatili silang magkaibigan at nagkasundo rin silang hindi pababayaan ang kanilang mga anak.

Patuloy ni Buboy, “At mahalaga naman doon, maayos kaming dalawa at napapag-usapan namin 'yung mga anak namin na pinakaimportante sa amin sa lahat ng bagay. Ngayon magkaibigan naman po kami at parehas po kaming focused sa journey po naming dalawa which is siya nagtatrabaho po ngayon sa Amerika at ako po naman ay focused po ako sa aking career at sa aking pagiging tatay sa aking mga anak.”

Si Buboy at Angillyn ay na-engage noong 2016.

Meron silang dalawang anak, sina Vlanz Karollyn, 3 at George Michael, 1. Ang dalawang bata ay nasa pangangalaga ng mga magulang ni Angillyn ngayon.